Mas magaling ba ang kapatid ko?

937

Dear Kuya Rom,

Sa simula nang magkita kami, in love agad kami sa isa’t isa. After 10 months, kami ay engaged na at nagpaplanong magpakasal in 2 years. Nakapagpatayo kami ng bahay. Bumili kami ng mga gamit, at hinulugan namin ang isang king-size bed.

Handa na kaming magpakasal. Pero may mga oras na mainitan ang usapan namin, kaya nagdesisyon kaming maghiwalay at magpalamig. Pagkatapos ng isang taon, nagkabalikan kami at tuluyang nagpakasal. Bilang mga bagong kasal, talagang magkasundung-magkasundo kami, dumaan ang mga buwan na napakaligaya namin.

Pero isang araw may nakita akong picture sa Facebook, ang mister ko at ang kapatid kong babae ay nasa beach, at parang mag-asawang magkatabi. Best friend ko ang kapatid ko, bakit niya ginawa ito? Naglihim siya, silang dalawa, sa akin.

Napilitang nagtapat sila sa akin. Humingi ng tawad ang mister ko, at inaming nakagawa siya ng hindi dapat nang magkahiwalay kami, at inaming may nangyari sa kanila. Ang ka­patid ko ay nag-sorry sa akin, pero hindi humingi ng tawad.

Mula noon, naging malayo na sa akin ang kapatid ko. Hindi na niya ako kinakausap. Dati, dalawang beses sa isang linggo, dumadaan siya sa bahay namin. Hindi na ngayon, kahit Christmas o New Year.

Ang mister ko naman, ginagawa niya ang lahat para manatiling buo ang relasyon namin. Ako naman, ayaw ko ring magkaroon ng isang broken family ang anak namin, kaya pinatawad ko ang asawa ko.

Pero, kuya, ito ang problema ko. Parang gabi-gabi, nawawasak ang relasyon namin. Parang nababangungot ako, kuya. Hindi nawawala sa isip ko ang nakaraan. Mas magaling ba ang kapatid ko sa romansa kaya nahulog ang loob ng mister ko sa kanya? Ginamit ba nilang da­lawa ang kama namin? — Fely

Dear Fely,

Malinaw na dalawang tao ang nagtaksil sa iyo. Ang mabuting gawin mo ay magkahiwalay na harapin mo ang dalawang bagay na ito.

Tungkol sa kapatid mo, huwag mong ikumpara ang sarili mo sa kanya. Patawarin mo siya ng lubusan kahit hindi siya humihingi ng tawad.

Maaaring ang dahilan kung bakit umiiwas siyang makipag-usap sa iyo ay hindi niya mapatawad ang kanyang sarili sa masamang ginawa niya sa iyo. Nahihiya siya sa iyo. Kung magagawa mo, ikaw ang lumapit sa kanya at iparinig sa kanya na pinapatawad mo siya.

Maha­laga ang kapatawaran upang maibalik ang magandang relasyon ninyong magkapatid.

May pagkakataong makilala ng lubos ng anak mo ang auntie niya na best friend mo.

Dahil pinatawad mo na ang mister mo, mahalin mo siya ng lubos. Ipagbili mo ang kama ninyo at bumili ka ng bagong kama. Baguhin mo ang arrangement ng kuwarto ninyong mag-asawa. Makakatulong ito para maalis sa isip mo ang nakaraan.

Higit sa lahat, baguhin mo ang iyong pag-iisip. Isipin mo lamang ang bagay na mabuti, kapuri-puri, mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, maganda, at kanais-nais (Filipos 4:8).

Isabuhay mo ang mga ito upang hindi mawasak kundi maging matatag ang pag-iibigan ninyong mag-asawa. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom