Marawi victims sinuportahan

By

Nakakaawa ang kalagayan ng mga pamilyang lumikas dahil sa kaguluhan sa Marawi City.

Si­mula nang pumutok ang bakbakan ng mga mi­litar at teroristang grupo noong Mayo 24, ilang daang libong katao ang nagsilikas sa nasabing siyudad at pansamantalang nanirahan sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak habang ang iba ay nakatambay lang sa mga evacuation center.

Ilan nga sa kanila ay nakarating hanggang sa dulo ng Luzon, partikular sa Ilocos Norte, para matakasan ang gulo sa Marawi City.

Doon sila pansamantalang nanirahan sa kanilang kamag-anak sa Muslim community ng Laoag City.

Naisipan tuloy ng Provincial Government of Ilocos Norte na pagkalooban ng P150,000 financial assistance ang 150 pamilyang naninirahan sa Barangay Uno ng nasabing siyudad.

Malaking bahagi ng Muslim community ng nasabing barangay ang kamag-anak ng mga residenteng naipit ng kaguluhan sa Marawi City.

Ayon kay Governor Imee R. Marcos, nanggaling sa kanyang pamilya ang financial assistance na ibinihagi niya sa Muslim community sa kanilang lalawigan.

“Yung mga nasa Ilocos, mga Ilocanong Maranao, mga pinsang buo rin ng mga grupo sa Marawi na na-evacuate kung saan-saan.

Sila’y nagkakasakit, nahihirapan, yung iba namatay na nga, kaya’t tuloy-tuloy tayo,” wika ni Imee.

Nagbigay na rin ng pangako ang gobernadora na patuloy na tutulungan ang mga kababayang sundalo na nasugatan sa Marawi siege.

Higit sa 600 sundalo na ang ginagamot sa V. Luna Ge­neral Hospital at sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Medical Center.

“Although hindi sila lahat taga-Ilocos Norte, marami sa kanila ay Ilocano pa rin,” wika ni Imee. “Tulong-tulong tayo diyan dahil alam na­ting natatagalan din ang gobyerno na magbigay ng tulong” pagtatapos pa niya.

***

Gaano kaya katotoo ang ulat na may mga bigating personalidad ang nasa likod ng importasyon ng P 6.4 bilyong shabu mula sa China?

Apat na mga bigatin daw sa bansa ang naging kasabwat ng drug lord sa China para maipuslit ang droga sa Pilipinas. Tatlo nga daw sa Gang of Four ay nagtatrabaho sa gobyerno.

Gusto ko na sanang maniwala dito dahil biruin nyo nga naman, imbes na palusutin ang kargamento sa mga malalayong lalawigan sa bansa, sa Port of Manila pa ipinadaan ang 604 kilo ng shabu gamit ang green lane ng BOC.

Ang green lane ang parang Skyway ng BOC, kung saan wala na masyadong tanong-tanong sa laman ng kargamento kahit na ang ginamit na kum­panyang EMT Trading ay baguhan lang at hindi kuwalipikadong dumaan sa green lane. Kumbaga, plantsado na lang lahat.

Bago nakalusot sa BOC ang 604 kilo ng shabu noong Mayo. Lumusot din umano sa BOC ang 1,800 kilo ng shabu noon pang Enero.

Nga­yon lang ito nauungkat nang magkaroon ng imbestigasyon ang Senado at Kamara sa nasabing shipment ng shabu na nasakote ng operatiba ng BOC sa dalawang warehouse sa Valenzuela City.

Ang nakapagtataka dito, bakit nakakabingi ang pananahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa higit dalawang tonelada ng shabu na lumusot sa Aduana? Sampal ito sa kanyang war on drugs. Dapat ay pinagmumura na niya si BOC Commissioner Nicanor Faeldon. Bakit kaya?