So mapipiga kay Carlsen

By

Hindi pa rin ma­hanap ni US Grandmaster ­Wesley So ang unang panalo sa 9th London Chess Classic 2017 na ginaganap sa Olympia Conference Centre, London, United Kingdom.

Muling nauwi sa draw ang laban ni 24-year-old So kay GM Michael ­Adams ng England matapos ang 31 moves ng English opening.

Pang-apat na sunod na ang draws ni dating Philippine Chess Team member So kaya nakalikom pa lang ito ng two points papasok ng fifth round.

Sa round five, inaa­sahang mapipiga ang tubong-Imus, Cavite na si So dahil katapat nito si reigning World Champion GM Magnus Carlsen ng Norway.

“Magandang laban ‘yan (So-Carlsen), alam naman natin na inaabangan ng mga Pinoy fans ang pagtatagpo ng dalawa,” saad ni NM Ali Branzuela.

Solo sa tuktok si American GM Fabiano Caruana matapos nitong pisakin si GM Sergey Karjakin ng Russia.

Kapit ni Caruana ang 2.5 points habang napako sa 1.5 puntos si Karjakin.

Bukod kay So, ang iba pang 2 pointers ay sina Carlsen, GMs Hikaru Nakamura ng US, Maxime Vachier-Lagrave ng France, Adams, Ian Nepomniachtchi ng Russia, former World Champion Viswanathan Anand ng India at Levon Aronian ng Armenia.

May 10-player single round robin ang nasabing super tournament.