Malaking pera

By

Dear Kuya Rom,

Dalawa kaming anak ng mga magulang namin. Si Papa ay nagtrabaho sa ibang bansa.

Nakaipon siya ng pera at ­nakabili ng bagong kotse. Naka­kuha siya ng kontrata sa isang tour agency. Ang sasakyan niya ay nirerentahan ng mga turista at siya ang driver.

Mula sa kanyang kita, kumuha siya ng ­educational plan para sa aming magkapatid.

Pagkaraan ng ilang taon, tumanggap siya ng malaking pera para sa aming pag-aaral.

Pinakialaman ni Mama ang pera. Kinuha niya ­lahat ito at nilayasan kami. Hindi namin alam kung ano ang ginawa niya. Nakita namin kung paano ­nasaktan si Papa. Wala namang problema sa aming magkapatid, sapagkat nakatapos kami ng college ­bilang scholar. Ako at ang kapatid ko ay may ­trabaho na ngayon.

Pagkatapos ng anim na taon, biglang sumipot ulit si Mama sa buhay namin. Gusto raw niyang ­makita kami. Masaya rin kaming magkapatid nang makita namin siya. Nalaman namin na kabit siya ng isang mayamang lalaki.

Binigyan niya kaming magkapatid ng malaking pera. Tinanggap namin ito, at ibinigay ang lahat kay Papa. Ayaw niyang tanggapn ito nang malaman niya kung sino ang nagbigay. Tahimik lang siya at nagpa­tuloy sa kanyang trabaho.

Kuya, tawagin mo na lang akong ‘Tiffany’. ­Niloko kami ni Mama, tinalikuran niya ang ­pamilya, at ngayon ay nagpapakita siya ng pagmamahal sa amin. Parang gusto niyang baguhin ang kuwento ng nakaraan. Pero mahal namin si Papa.

Pakiramdam ko, ibig ni Papa na isauli namin ang pera. Pero hinahayaan niya kaming magdesisyon. Para sa kanya, matalino ang kanyang mga anak.

Ang totoo, nagdadalawang-isip kaming ­magkapatid. ­Hindi namin alam kung nasaan si Mama. Hindi niya ibinigay sa amin ang kanyang contact number. Ano ngayon ang mabu­ting gawin namin sa malaking ­perang ito? — Tiffany

Dear Tiffany,

Alam ng Mama ninyo na nagawan niya kayo ng masama. Guilty siya, at nais niyang magbawas ng kasalanan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pera sa inyo. Hindi niya alam ang kanyang ginagawa, kaya kahabagan at patawarin ninyo siya.

Anuman ang nakaraan, anuman ang nangya­yari sa kanya ngayon, siya pa rin ang Mama ­ninyo. ­Regalo niya sa inyo ang perang ito. Ibilang ninyong isang pagpapala ito.

Kung masaya ­kayong makita siya, ipagpasalamat ninyo ito, sapagkat nagkusa siyang magkaroon sa inyo ng connection at ­communication. Marahil, mahalaga sa kanya ito.

Mainam na ­pahalagahan din ninyong magkapatid ito.

Posibleng tama ang naiisip mo tungkol sa iyong Papa. Para sa kanya, matalino kayong magkapatid, at nagtitiwala siya sa inyong mga desisyon.

Nasa palad na ninyo ang pera. Mabuting kausapin ninyo ang isang investment specialist sa isang bangko. Gawin ninyo itong isang emergency fund, at huwag gagalawin kung hindi kailangan. Ito ay kikita ng mas malaking interest habang ito ay hindi ginagalaw.

Tiffany, may God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom