Malabong polisiya


Paglabag sa ipinalabas na Memorandum Circular 2017-02 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) o ang pagbabawal na magmaneho ng lagpas anim na oras sa mga bus drivers ang nakikitang dahilan ng trahedyang nangyari sa ­Nueva Ecija na ikinamatay ng 30-katao.

Ito ang lumalabas na sanhi kaya nahulog sa bangin na may 30 metrong lalim ang Leomarick bus na dapat ay patungo sa lalawigan ng Ilocos Sur mula sa probinsiya ng Isabela.

May layong 224 kilometro at tatakbuhin ng 15 oras ang ­biyahe patungong Isabela kaya dapat ayon sa LTFRB ay may dalawang magkahaliling driver ang naaksidenteng bus.

Pero natuklasan ng LTFRB na walang kapalit ang driver na bagama’t idinahilan ng operator na bumaba dahil may emergency ay hindi ito sinakyan ng LTFRB.

Ang sa amin, napakalabong polisiya ang inilabas na ito ng ­LTFRB.

Maganda at pabor sa mga pasahero pero sino ang magmo-monitor kung sumusunod ang mga bus companies sa ipinaiiral na polisiyang ito ng LTFRB?

Maaring ma-monitor ­pero sa tuwing may aberya ­lamang katulad ng sinapit na ito ng Leomarick, papaano kung ligtas ­namang nakakabiyahe?

Kaya ang sa amin, hanapan naman sana ng mas kapani-paniwalang solusyon ng LTFRB ang problema sa mga bus drivers na nagiging sanhi ng trahedya.

Maglatag ng makatotohanang solusyon at hindi katulad ng ganitong napakalabong polisiya na sa tuwing may kalunus-lunos lamang na pangyayari malalaman kung naipatutupad ng tama ang kautusan.