Magandang dibidendo

By
121

Masasabing paborito na sa mga horse farms sa Japan ang mga hineteng Pilipino dahil sa dami ngayon nila doon, partikular sa Hokkaido.

Kahit napakalamig kapag nagyeyelo, pinili ng maraming hineteng Pilipino ang manilbihan doon at marating ang pangarap na magandang buhay pagdating ng araw. Napatunayan na ‘yan, marami na rin sa kanila ngayon ay nakapagpundar ng magandang buhay para sa kanilang pamilya.

Nitong nakaraang araw ay nakita natin ang mainit na pagsalubong sa bagong dating doon na sina WA Utalla at BI Salvador.

***

Nakangiti ang mga nagpapanalo sa MetroTurf Racing Complex.

Maganda ang kanilang kinukubrang panalo bilang horse prizes nitong dalawang linggong nagdaan. Kahit maraming karera dahil weekend racing noong Marso 11 at 12, lumagpas sa guaranteed gross prize na P120,000 ang papremyo sa mga nanalo, umabot sa P121,648 at nagneto sila ng P103,461.

Mas maganda ang mga sobreng nakubra ng mga nanalo at sa mga nakakuha ng puwesto hanggang pang-apat, nitong Marso 16 at 17 dahil umabot sa P133,461 ang grose ng primero. Ang neto nito ay P113,509.

Maraming dumadayo sa MetroTurf na kabayo ang nagkakaroon ng incentive na P2,000 para sa trailer, nag-uuwi pa ng magagandang papremyo kapag nanalo o nakapuwesto. Kaya naeengganyo silang dumayo doon sa Malvar.

***

Sa dami ng mga gustong maghinete dito sa atin, maraming nagtataka bakit hindi bigyan ng pansin ng mga awtoridad bilang isang magandang paraan para makapagpadala tayo ng puwedeng magtrabaho sa iba’t ibang malalaking farms sa ibang bansa.

Marami ang nanga­ngailan ng farm hands at isa ang mga Filipino na tinatangkilik ang serbisyo dahil sa pagkamasipag at alam nila ang kanilang trabaho. Sa Australia ay marami tayong nakitang Filipina na nagtatrabaho bilang mga sota o farm hands sa malalaking stables doon.