Mag-ina, binatilyo kinatay ng truck driver sa Bulacan

By

Patay ang isang mag-ina at isang binatilyo makaraang pagsasaksakin ng isang truck driver nang hindi nito makitaw ang kanyang kaaway sa kanilang lugar sa Brgy. Iba, Meycauayan City, Bulacan noong Linggo ng gabi.

Sa report ng pulisya, nakakulong na ngayon ang suspek na si Jimmy Dalama Jr., 30-anyos, matapos isuko ang sarili sa mga opisyal ng kanilang barangay.

Napatay ni Dalama si Dedina Yonson, 58; ang anak nitong si Jemalyn, 34 at apong si April John 14.

Bago nangyari ang insidente pasado alas-nuwebe ng gabi ay bumili umano ang suspek sa tindahan ng barbeque ni Yonson kung saan nag-iinom naman ang anak nitong si Jemalyn at isang alyas ‘Layan’.

Kinulit umano ni Dalama si Layan at nagkaroon sila ng pagtatalo hanggang sa nagsuntukan pero naawat din at umalis na ang suspek.

Subalit bumalik ulit si Dalama na armado ng patalim at nang hindi makita ang pakay na si Layan ay ang mga biktima ang binalingan ng galit at pinagsasaksak ang mga ito.