Lolo dinedo nang nakaupo

By

Hindi na hinayaan pang makatayo ang isang lolong negosyante at agad itong binaril ng nag-iisang suspek habang nakaupo sa monobloc sa loob ng warehouse kahapon sa Muntinlupa City.

Sa report ni Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Tomas Apolina­rio, kinilala ang nasawi na si Juanito Arciaga, 67, ng 155 San Guillermo St., Brgy. Putatan ng naturang lugar.
Si Arciaga ay namatay agad sa pinangyarihan ng insidente dahil sa dala­wang tama ng bala sa ulo at katawan.

Blangko pa rin ang pulisya sa pagkakilanlan ng suspek at patuloy ang kanilang masusing im­bestigasyon.

Ayon sa report dakong alas-tres ng hapon nang maganap ang insidente sa warehouse ng pamilya ng biktima sa 83 Arciaga’s Compound, Natio­nal Road, Brgy. Putatan, Muntinlupa City.

Sa salaysay sa pulisya ni Milagros Niefes, kapatid ng biktima, may namataan silang tao sa warehouse na hindi nila nakikilala. Kaya’t inutusan siya ng nakababatang kapatid na si Ernesto Arciaga, 59, na alamin kung sino ang taong iyon.

Nang kanyang tingnan, tumambad sa kanya ang duguan at wala nang buhay na biktima na nakaupo sa monobloc at wala na ang suspek.