Lola patay habang nagka-casino

By

Walang buhay na bumagsak matapos na mag-collapse, ang isang lolang Taiwanese habang naglalaro ng slot machine sa loob ng isang casino ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), kamakalawa ng gabi sa Sta. Mesa, Maynila.

Hindi na na-revive sa UERM Hospital ang biktimang si Mei Tiem Lin, 73, tubong Taiwan ng 1020 Masangkay Street, Binondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-9:40 ng gabi ay naglalaro ng slot machine ang biktima sa loob ng Club Tropicana Casino sa V. Mapa Street, sa Sta. Mesa, nang bigla itong mag-collapse.

Isinugod naman ng guwardiya ng casino na si Robert Montilla ang biktima sa pagamutan ngunit patay na ito nang duma­ting doon.

Sinabi ng kaibigan ng biktima na si Jimmy Yu, 76, negosyante, walang kaanak ang biktima sa Pi­lipinas.