Libreng edukasyon sa SUCs pirma na lang ang kulang

By

Lagda na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kailangan upang maisabatas ang libreng tuition, miscellaneous at iba pang fees ng mag-aaral sa State Universities and Colleges (SUCs), ayon kay Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero.

“Natapos na kami sa bicameral conference committee hopefully mapirmahan bukas (Lunes) ng umaga ‘yung Free Tertiary Education o Universal Access to Tertiary Education Act na tinatawag,” wika ni Escudero, chairman ng Senate committee on education.

“Layunin nito na bigyan ng kapangyarihan, karapatan, oportunidad at pagkakataon ang bawat Pilipinong estudyante na makapag-aral,” paliwanag pa niya.

Masasakop ng libreng­ pag-aaral ang mga ­estudyante sa SUCs, local universities and colleges, state o local government unit-run technical and vocational institute.

“Libre na ang tuition. Hindi lamang ang tuition pati miscellaneous and other fee,” paglalahad ni Escudero sa isang programa ng himpilang DzBB.

“Layunin kasi namin na hindi lang ‘yung mayaman ang may karapatan na mag-aral sa Ateneo o La Salle. Mahirap ka man sa pamamagitan ng TES puwede kang maghingi ng grant para sa pag-aaral sa pretihiyoso at sa pangmayaman lang sa ngayon sa mga eskuwelahan at paaralan,” ayon sa senador.

Pinalakas din ng panukala ang UniFAST o Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education upang makapag-loan ang mga estudyante sa panggastos nila sa board and lod­ging at pamasahe.