LeBron sumakay ng subway


Sa unang pagkakataon daw sa kanyang buhay, naranasan ni LeBron James na sumakay ng subway sa New York.

Nagkainitan sina Enes Kanter (00) ng New York Knicks at LeBron James (23) ng Cleveland Cavaliers sa 72nd 2017-18 NBA elims nila sa Madison Square Garden nitong Lunes ng gabi. Nakaalpas pa ang Cavs kahit nalubog mula sa 23 points. (AFP)
Nagkainitan sina Enes Kanter (00) ng New York Knicks at LeBron James (23) ng Cleveland Cavaliers sa 72nd 2017-18 NBA elims nila sa Madison Square Garden nitong Lunes ng gabi. Nakaalpas pa ang Cavs kahit nalubog mula sa 23 points. (AFP)

Pagkagaling sa shootaround sa Madison Square Garden Lunes ng umaga, hindi na nag-bus ang Cleveland Cavaliers pabalik ng kanilang hotel.

Sa video post ng NBA sa Twitter, kita si Le­Bron at Cavaliers habang nakikipagsiksikan sa mga pasahero ng train. Unang pagkakataon daw narana­san ng NBA four-time MVP na sumakay sa subway sa New York.

Kinagabihan, pinagtulakan naman ng Knicks si James, ibinangko pa ng kanyang coach na si Tyronn Lue.

Nagkaisyu si LeBron sa Knicks nang banggitin nito na nagkamali ang New York Knicks nang tapikin si 19-year-old point guard Frank Ntilikina sa No. 8 nitong nakaraang draft sa halip na si Dennis Smith Jr.

Kulang isang minuto na lang sa first quarter ng laro, hinablot ni Cleveland guard Dwyane Wade ang offensive rebound at pinasahan ng lob si James na rumesponde ng dunk para sa 23-22 Cavs lead.

Pabalik na si James sa kabila, nabangga niya ang 6-foot-5 guard na si Ntilikina. Da­damputin ni Ntilikina ang bola para ilabas, tinayuan siya  ni LeBron. Hindi nagpasindak ang teenager mula Belgium, tinulak niya si James. Hindi pa umalis ang Cleveland star, kinaldag muli siya ni Ntilikina.

Umeksena si Knicks center Enes Kan­ter, gumitna sa dalawa at nakipagtitigan kay James.

“I don’t care… what you call yourself. King, Queen, Princess, whatever you are,” sabi ni Kanter sa nangyari sa kanila ni James. “You know what, we’re going to fight and nobody out there (is) going to punk us.”

Dinomina ng Knicks ang second quarter, pinu­wersa sa seven turnovers ang Cleveland at nilimitahan sa 13 points sa 5 for 24 shooting. May four steals si Ntilikina sa yugto tungo sa 51-38 lead ng New York sa break.

Bumuka sa 23 ang abante ng Knicks sa third, ini­labas ni Lue ang kanyang starters kasama si LeBron. Rumesponde ang reserves, unti-unting kinain ang lead ng Knicks.

Nag-takeover na si James pagbalik sa fourth, kasama si Kyle Korver. Umiskor kundi man nagbigay ng assist si James sa 30 ng 43 points ng Cavs sa fourth, inilista ni Korver ang 19 sa kanyang 21 points sa period at nanalo ang Cavs, 104-101.