Lady Spikers dumikit sa F4

By

Naiganti ng De La Salle ang nag-iisang talo sa UAAP Season 79 women’s volleyball nang ibagsak ang 27-25, 25-11, 25-17 panalo laban sa University of the Philippines sa The Arena sa San Juan kahapon.

Pinana ng Lady Spikers ang pang-walong ‘W’ sa 10 salang, lumapit pa sila sa semifinals.

Ang isang bangas sa kartada ng defending champions na taga-Taft ay kagagawan ng Lady Maroons noong first round.

Tumabo ng 16 points si Majoy Baron, may tig-11 sina Desiree Cheng, Kim Dy at Ernestine Tiamzon para sa Lady Spikers.

Sinabi ni La Salle assistant coach Noel Orcullo­ na mas nakapaghanda sila ngayon laban sa UP kum­para noong unang pagtatagpo nang gulatin at lituhin sila ng Lady Maroons.

“Noong first round medyo nagulat lang sila sa laro ng UP, nagpadala sa galaw ng UP na sobrang bilis, ‘yung ginagawa ng UP na ikot-ikot (ang bola) na-distract sila na parang na-out of focus,” aniya. “Sabi namin, ‘wag niyong intindihin ‘yun tala­gang ‘yun ang psy war nila sa atin.”

May apat na eliminations matches pa ang DLSU laban sa UE, UST, Adamson at karibal­ na Ateneo na una nang ­dumapo sa F4 sa 9-1.

Laglag sa 5-5 ang Lady Maroons kabuhol ang Lady Tamaraws sa fifth.

Sa unang laro, kumapit sa third spot ang National U nang kubabawan ang UE 25-15, 25-21, 22-25, 25-21.

Sa 23 points ni Jaja Santiago at 17 at 10 markers nina Jorelle Singh at Risa Sato, akyat sa 6-4 ang Lady Bulldogs kaakbay ang UST.