Laban sa korapsyon ng gobyerno lumalabnaw


Hindi natin masisisi na magduda ang ilan sa sensiridad ng gobyernong Duterte sa giyera kontra katiwalian dahil sa insidenteng nangyari sa Bureau of Immigration (BI) kung saan ay ilang mataas na opisyal ng kagawaran ang inakusahan ng bribery.

Hindi pa nga natatapos ang nasabing kontrobersiya ay isa na namang usapin na may kinalaman din sa katiwalian ang ngayon ay pinagpipiyestahan.

Ito ay ang pagkatig ng Office of the Solicitor General (OSG) sa akusadong si Janet Napoles na nakakaladkad sa pork barrel scam.

Bagama’t nagbigay-linaw ang OSG na walang kinalaman sa kasong plunder na kinakaharap ni Napoles ang pagkatig ng OSG sa akusado sapagkat ang kaso umanong serious illegal detention ang pinag-uusapan ay hindi natin maiwasang mangamba na maaaring humantong sa tuluyang paglilibre sa kaso kay Napoles ang nangyayaring ito ngayon sa kaso ng tinaguriang pork barrel queen.

Kaya ang aming panawagan, huwag sanang sirain ng gobyerno­ ang paniniwala ng nakararami­ na malinis ang kanilang ­intensyon para sa bayan na linisin ito laban sa korapsyon at ­hindi maging instrumento­ ­para mapawalang-sala ang mga ­nakakulong na nakakaladkad sa katiwalian.

Dapat makita ng pamahalaan na ang pag-absuweltong gagawin nila kay Napoles sa ­kasong pandarambong ay maaaring mauwi rin sa pagkakaabsuwelto­ ng iba pang mga opisyales ng gobyerno na ngayon ay nakakulong ­dahil rin sa kasong plunder. Ang sa’min, sa halip na bigyan ng pag-asang makalaya ang mga akusado sa katiwalian bakit hindi sila tumutok sa pagpapanagot sa mga ito sa ginawang atraso sa bayan para mapatunayang totoo ngang galit sila sa korap.