Kumusta naman ang negosyo?

By

Noong bata pa si Sabel, madalas nating mari­nig sa kanto ang birong pagbati na ala-kabise ang ‘kumustah nah negosyoh?’

At dahil matatapos na ang taon, para bang puro ingay sa politika at krimen ang naririnig at nababasa natin na tila na nagkakalimutan sa lagay ng ekonomiya.

Panay kasi ang reklamo natin na walang trabaho na height na lang ng kapitbahay niyang unano ang hindi tumataas.

May katwiran naman ang mokong dahil kapansin-pansin na patuloy ang pagtaas­ ng mga bilihin, singil sa tubig, kuryente, petrolyo at pati nga pamasahe.

Huwag nang magtaka dahil batay sa talaan ng inflation rate, o datos sa paggalaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, talagang pataas­ ang direksyon.

Kung noong September 2015 ay nasa 0.4 percent ang inflation rate, naging 2.3 ito noong September 2016, at 3.1 nitong August 2017.

At dahil magpa-Pasko na, asahan na tataas pa ang pangangailangan sa mga produkto kaya hindi na nakapagtataka kung tumaas pa ang mga bilihin.

Pero hindi naman pala lahat ay tumataas, ang halaga ng piso kontra dolyar, bumababa… o pwede bang sabihin na ‘bumabagsak?’ Masama ba ito o mabuti?

Depende kung marami kang kung sa nasa negosyo ka ng export, import o isa kang OFW na nagpapadala ng dolyar.

Dahil bagsak ang piso, aba’y mas malaki ang palit ng dolyar. Iyon nga lang, parang tablado rin ang kalalabasan dahil mahal naman ang gastos sa lahat ng iyong babayaran, mula sa bilihin, bayad sa kuryente at tubig, pamasahe at iba pa.

Lilinawin lang natin na hindi tayo ekonomista na nais magmarunong pagdating sa ekonomiya.

Ngunit parang nakababahala ang mga lumalabas na ulat na malaki ang nababawas o nawawala sa mga dayuhang naglalagak ng pamumuhunan sa bansa na kung tawagin ay Foreign Direct Investments (FDI).

Hindi na natin babanggitin ang mga datos na sinasabing pagbagsak dahil magkakaiba sila depende kung saan nagmumula ang bilang.

Pero ang malinaw, mas kakaunti­ ang FDI na pumapasok ngayong taon, kumpara sa nakalipas na mga taon.

Kung hindi totoo na nababawasan ang mga namumuhunan sa ating bansa, aba’y bakit pupunta o pumunta sa New York ang mga economic­ manager ng pamahalaan para manghikayat ng mga negosyante sa ibang bansa na maglakag ng negosyo sa Pilipinas?

At dahil negosyo ang pag-uusapan doon, dapat ipaubaya nitong si kalihim sa mga nararapat at kinauukulang opisyal­ ang pakikipag-usap sa mga negosyante at huwag nang umepal dahil baka magkalat uli siya tungkol sa human rights at war on drugs issue na tiyak na ayaw marinig ng mga dayuhang namumuhunan.

Kung hindi man ma­ging maganda ang pagsasara ng 2017 sa lagay ng ekonomiya sa aspeto ng mga dayuhang namumuhunan, sana lang eh ma­ging maganda ang resulta ng ‘road show’ ng econo­mic team sa New York para sa 2018 ay maganda na ang ‘negosyoh’ sabi nga ni kabise.

Malay natin, kapag dumami ang dayuhang namumuhunan ay makabawi na ang piso at bumaba ang mga dapat na bumaba.

La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:@dspyrey)