Kumusta na ang mga tsuper na apektado ng Uber suspension?

By

Sa pagkakasuspinde ng operasyon sa Uber ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay umaray ng husto ang pamunuan ng Uber lalo naman ang mga driver na nag-o-operate sa kanila.

Hiniling din ng Uber na sa halip na suspensiyon ay multa na lamang umano ang ipataw ng LTFRB sa kanila.

Pero tablado ang Uber kaya pinayagan ng LTFRB na lumipat ang mga Uber drivers sa Grab o U-Hop pansamantala.

Matatandaang nitong Huwebes ay nag-alok ang Uber na magbayad na lang sana ng multang P10 milyon o $196,000 (US Dollars) sa pangala­wang bid na kapalit ng isang buwang suspensyong ipinapataw ng LTFRB.

Nangako rin ang Uber ng financial assistance sa kanilang mga drivers na higit na naapektuhan ng suspensiyon.

Ayon naman sa ilang Uber drivers, nakakatanggap umano sila ng mga emails mula sa Uber ng pangakong compensation.

 Humingi rin ng paumanhin ang pamunuan ng Uber sa LTFRB at mismong si Uber Asia-Pacific head Mike Brown ang nag- apologized kay LTFRB chief Martin Delgra bago nagsagawa ng meeting sa Senate Committee on Public Services.

Ayon naman kay Delgra, nais din umanong makipagtulungan ng gobyerno sa Uber.

“This is not a fight, We’re trying to work together here to address public transportation issues.” sabi nito.

Nasuspinde ang Uber nitong nakaraang August 14, 2017 matapos na umanong labagin nito ang kautusan ng LTFRB na pansamantalang ihinto ang pagtanggap ng mga applicants na accredited ng transport network vehicle services (TNVS) noong ika-26 ng Hulyo, taong kasalukuyan rin.

Epekto

Ang pagsuspinde sa Uber ay pinutakte nang husto sa iba’t ibang social media site, kasama na sa mga nakiputakte ay ang mga pasahero na nagalit dahil sa mawawalan umano sila ng trusted at reliable form ng transportation.

Ang desisyong pagsuspinde sa Uber ay higit na nakaapekto sa mahigit 66,000 drivers ng Uber, kabilang na ang mga migranteng manggagawa ng bansa na namuhunan ng savings sa pagmamaneho para sa Uber.

Plano

Sa isinagawang meeting noong Miyerkules ay sinabi ng Uber na handa umano silang magbayad ng fines at compensations para sa mga drivers na sinasabing generous offer ng mga senador.

Dagdag pa ng Uber ay magpa-file umano sila ng iba pang appeal na posibleng makakapagpaikli ng suspensiyon nila sa gagawing hearing ngayong linggong ito, ang accreditation ng Uber ay mai-expire na ngayong buwan ng Agosto.

Remedyo

Dumagsa ang mga Uber drivers sa tanggapan ng Grab alinsunod na rin sa direktiba ng LTFRB pero paglilinaw ng Grab mga accredited drivers na umano ng Uber ang kanila lamang na tatanggapin.

Halos magsiksikan na sa application area ng tanggapan ng Grab sa Lungsod ng Makati ang mga Uber drivers na nagbabakasakaling habang suspendido pa ang Uber ay makakakuha ng mapagkakakitaan.

Umabot sa may corridor ng tanggapan hanggang sa labas ang pila sa dami ng mga Uber dri­vers na naroroon na nag-a-apply na maging Grab partner.

Dahil sa isang buwang suspensiyon ng Uber ay pinayagan ng LTFRB ang mga apektadong Uber drivers na lumipat sa Grab at U-Hop, isa na sa mga nagtiyagang pumila at maghintay sa dami ng mga aplikante si Ramil Abinon, ayon sa kanya ay kailangan umano silang agarang makapag-hanap buhay muli para sa kanilang mga pamilya.

“Kailangan talaga na makapag-drive kami ulit agad, kasi kung hindi eh saan naman kami kukuha ng ipangtataguyod namin sa mga pamilya namin.”

“Isa pa du’n ‘yung sasakyan na kinuha namin ng hulugan ay talagang sa Uber lang namin inaasa ang ipanghuhulog buwan-buwan, mabigat talaga na mahinto kami lahat, sa totoo lang kasi rin malaki rin ang naitutulong ng pamamasada ko, personally, sa pamilya ko, hindi katulad ng dati,”ani Ramil.

Ayon naman kay Adronico Apostol na dati na rin naming nai-feature sa aming UBER/GRAB article ay kahit pa na may regular job umano siya as cameraman ng CNN Philippines ay napilayan din umano siya nang husto nang masuspendi ang Uber.

“Malaking kawalan ‘yung kikitain ko sana sa Uber, doon ako kumukuha ng panghulog sa kotse at ‘yung everyday na gastusin sana e, kung hindi ka kasi magdadala­wang trabaho nowadays kahit anong kayod mo, magugutom ka talaga lalo na pamilya mo!”

“Sa palagay ko ang pagkaka-suspend ng Uber ay hindi patas, panggigipit ang nangyari sa mga katulad ng Uber na madali naman din nilang napapasunod sa batas sa kabila ng kabi-kabilaang reklamo sa ibat ibang uri ng pampublikong transportasyon,  wala namang hakbang na ginawa ang LTFRB laban sa mga ito, kailangan pang mag-viral nu’ng ilan para magkaroon ng aksiyon, porke’t mainit sa social media ay ito lang ang sini-single out nila, tamang patawan ng  kaukulang parusa kung nagkamali pero sana ganu’n din sa lahat ng mga nagkakamali,” ayon pa kay Apostol.

Maging positibo

Anyway’s anu’t ano pa man sana ay maayos na at maliwanagan na ang lahat, para naman tuluy-tuloy ang pagkita ng mga taong umaasa sa Uber, e kung nagkamali okay lang na patawan ng kaparusahan, pero sana hindi naman suspension ng ganoon katagal.