Trahedya sa birthday party

KILLER VIDEOKE

By

Humantong sa trahedya ang birthday celebration ng isang pamilya sa Barangay Poblacion sa bayan ng Aritao, Nueva Vizcaya matapos na makuryente ang isang la­laki habang nagbi-videoke nitong Biyernes.

Ayon sa ulat ng Aritao Police, hapon nang mangyari ang trahedya habang nagkakasiyahan bilang pagdiriwang ng kaarawan ng hindi na pinangalanang tiyahin ng biktimang kinilalang si Warlito Corpuz, 23-anyos, ng nasabing barangay.

Nabatid na nagrenta ng videoke machine ang birthday celebrant na tiyahin ng biktima upang magkantahan.

Lumalabas sa imbestigasyon ni SPO2 Jovencio Dalpig na si Corpuz umano ang unang humawak ng mikropono ng videoke para kumanta.

Pero mag-uumpisa pa lamang umano sa pagkanta ang biktima ay nangisay na ito at dumaloy na ang kuryente sa kanyang katawan dahilan upang tumimbuwang ito na kalaunan ay idineklarang wala nang buhay.

Napag-alaman naman kay Dalpig na nag-im­bestiga sa pagkamatay ng biktima na posibleng nakatapak umano ito sa basa bago humawak sa mikropono na naging dahilan ng kanyang pagkakuryente.

Tinitingnan ding dahilan ang isang washing machine na may tumitilamsik na tubig na malapit sa pinangyarihan ng insidente na pinagmulan ng kuryenteng dumaloy sa katawan ng biktima.

Nakatakda ring alamin ng pulisya kung maaaring panagutin ang may-ari ng nirentahang videoke sa nangyaring trahedya.