Kelot tinadtad ng bala, salarin naglakad lang

By

Patay ang isang lalaki matapos na tadtarin ng bala ng dalawang hindi pa nakikilalang kalalakihan na kampante lang umanong naglakad patakas matapos ang insidente sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Malabon City Police Community Precinct 8 partikular na nina PO3 Julius Mabasa at PO2 Jose Romeo Germinal II at PO1 Joenel Claro ay ganap umanong alas-11:50 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng P. Aquino Avenue, sa tapat ng Aglipay Building, Barangay Tonsuya ng nasabi ring lungsod.

Mag-isa umanong nag­lalakad ang biktimang si Julianito Noquio Jr., 31, may kinakasama, walang hanapbuhay at residente ng Paradise Village, Phase II ng nasabi ring lugar nang dumating ang dalawang suspek na pawang mga armado ng hindi pa nalalamang kalibre ng baril at walang habas na pinaulanan ng bala ang biktima.

Ayon sa mga nakakita sa insidente, matapos umano ang pamamaril ay kasyuwal na naglakad at nagkukwentuhan pa na tila walang nangyari ang mga suspek patungo sa binabaybay rin ng Paradise Village kung saan taga-roon rin lang ang biktima.