Katapusan ng karahasan


Makailang ulit nang inanunsyo ng gobyernong Duterte ang katapusan ng karahasan sa Marawi City na nag-ugat sa pag-atake ng teroristang grupong Maute.

Araw ng Kalayaan nang unang puntiryahin ng gobyerno na tapusin ang giyera pero tatlong buwan na mula nang tantiyahin ang sitwasyon ay nananatili pa rin ang karahasan sa Marawi City bagama’t kontrolado na ayon mismo sa tropa ng gobyerno na nakatalaga sa lungsod.

Sa pagkakataong ito ay muli na namang inihayag mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte nang bumisita sa pinakamalaking warship ng Australia na Royal Australian Navy na HMAS Adelaide na dumaong sa Pier 15 sa Manila South Harbor, Manila na sa loob ng isang linggo ay matutuldukan na ang nagaganap na krisis sa Marawi City.

Masayang balita ito, lalo na sa mga kaanak ng tropa ng gobyerno na patuloy na nakikibakbakan sa Marawi City dahil ibig sabihin nito ay tapos na ang nakaambang panganib sa kanilang buhay.

Maging tayo ay umaasang totoo ngang tapos na ang giyera upang sa gayon ay manumbalik na sa normal ang buhay ng mga kababayan natin sa Marawi City gayundin ang tropa ng gobyerno na idineploy sa nasabing lungsod.

Gayunman ay hindi naman tayo umaasa ng isandaang porsiyentong tapos na nga ang giyera dahil sa mga nagdaang karanasan pero kumakapit pa rin tayo sa pahayag ng Pangulo na patapos na ang kaguluhan.

Pero sa ganitong sitwasyon, naniniwala kaming hindi dapat pagtuunan ng pansin ang urung-sulong petsa ng pagtatapos ng giyera, ang mahalaga ay dumating ang araw na tuluyan nang mapapalaya ang Marawi City sa kamay ng mga terorista at higit sa lahat ay huwag na silang bigyan ng tsansang makapanligalig pa sa iba pang bahagi ng ating bansa.