Kampanya vs illegal software pinaigting


Alam ng nakararami na mas mahusay ang lisensiyadong software kaysa sa ilegal na uri nito. Su­balit sa patuloy na kampanya ng Pilipinas Anti-Piracy Team (PAPT), marami pa rin ang mga nahuhuling pribadong kompanya na gumagamit ng hindi lisensyadong software sa kanilang mga opisina.

Sa pakikipagtulungan ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL) at ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), napag-alaman na may mga kompanya pa rin na hindi kaagad makapagpakita ng kaukulang lisensiya ng mga software na kanilang ginagamit.

Bilang reaksyon sa report ng PAPT, nanawagan si Allan Gepty, Deputy Director General ng IPOPHL, na sana’y gumamit ang mga kumpanya ng lisensyadong software dahil makakatulong ito sa pag-deve­lop ng Pilipinas bilang isang International IT Hub, na maaaring magpaunlad sa bansa.

Ang mga kumpanyang lumalabag sa IP Code of the Philippines (RA 8293) at Optical Media Act (RA 9239) ay maaring ipasara, mabawi ang travel visa ng mga kaukulang may-ari at tauhan at maharap sa kasong kriminal.

Ang sinumang mapatunayan ng namimirata ng software ay mahaharap sa siyam na taong pagkabilanggo at multa hanggang 1.5 milyong piso.

Para sa impormasyon, makipag-ugnayan lamang sa PAPT Secretariat sa tel. no. (02) 368 5787 o puntahan ang kanilang website: www.papt.org.ph.