Kailan matututo?

By

Hanggang kailan kaya matututo ang ilang ­pasaway na bus company tungkol sa kaso ng “overloading” ng mga pasahero na kalimitan ay ­huma­hantong sa isang malagim na aksidente na ­ikinasasawi ng ilang pasahero at ikinasusugat ­naman ng iba pang biktima.

Kinakailangan pa bang mayroong madisgrasya o ma-aksidente sa kanilang mga pasahero bago ­sila magising sa katotohanan. Ang masakit nito ay hindi na maibabalik ang buhay ng mga namatay.

Habang ang mga pasahero naman na nasugatan ay maaaring hindi na makapag-trabaho ng ­maayos dahil sa tinamo nilang pinsala, ang ibang biktima naman ay tuluyan ng nababalda dahil sa tindi ng aksidente.

Nitong nakaraang Martes, isa na namang kaso ng overloading sa bus na kinasasangkutan naman ngayon ng isang mini bus sa Nueva Ecija, ang tumambad sa mga balita kung saan, 30-katao ang namatay, samantalang 46 pasahero naman ang ­malubhang nasugatan.

Sa ginawang imbestigasyon ng mga pulis matapos ang naganap na aksidente, lumalabas na overloading o sobra-sobra ang bilang ng mga pasaherong sakay ng nasabing minibus, dahil 45 pasahero lamang ang kaya nitong isakay, pero ­lumalabas na 77 ang lulan ng mini bus.

Hindi lang ito ang una at huling kaso ng overloading sa mga bus. Ano na nga pala ang nangyari sa kaso ng Florida Bus na nasangkot din sa kaha­lintulad na aksidente noong February 7, 2014?

Sa aksidenteng kinasangkutan ng Florida Bus Company, namatay ang aktor at komedyanteng si Arvin Jimenez na mas kilala bilang si Tado ­Jimenez. Ang bus ng Florida ay nahulog sa ­bangin kagaya ng nangyari sa mini bus na bumibiyahe sa Nueva Ecija.

Nagkataon lamang ba ito o talagang palasak na sa mga kompanya ng mga bus ang kapabayaan? Paulit-pulit na lamang ang mga kasong ito, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin natututo ang mga kompanya ng bus.

Ang masakit nito, hindi natin puwedeng ­balewalain at kalimutan na lang ang sinapit ng mga biktima lalo na ang mga namatay, na kung naaga­pan lang ay hindi sana hahantong sa isang malagim na trahedya.

Ang mga aksidenteng kagaya nito ay paulit-ulit na lang na parang gulong na paikot-ikot ­pero ­hindi natin alam kung kailan hihinto. Mababawasan lang ito kung hihigpitan ang batas sa ­overloading.

At dapat sampolan o tuluyan ang mga pasaway na operator ng bus na lumabag sa batas upang ma­bigyan ng hustiya ang mga pasahero na nasangkot sa aksidente kagaya ni Tado.

***

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)


SHARE
Previous articleLOTTO RESULT 04/20/2017
Next article‘Greatest’ finale