Kaibigan ipinaholdap

By

Arestado ang apat na holdaper kung saan ang isa ay kaibigan mismo ng biktima sa Lungsod ng Malabon kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Malabon City Police, alas-2:30 ng mada­ling-araw nang maganap ang insidente. Nagpasama umano ang biktimang si Natalie Tanglao, 20 sa kaibigang si Herosvic Bacaron.

Sa kanilang paglalakad ay panay ang text ni Bacaron habang bitbit ni Tanglao ang cellphone na iPhone unit na halagang P40,000.

Pauwi na sila ay idinaan ni Bacaron ang biktima sa delikadong eskinita at doon sila hinarang nina Steven Roque, 20; Darwin Alvarez, 20; at Renzo Bayan, 19 at kinuha ang cellphone ng biktima.

Ngunit nakita ng biktima na nakikipagsenyasan si Bacaron sa mga suspek. Kaya nagsumbong siya sa pulisya na ipinaholdap siya, na nagbunga ng pagkadakip ng apat na suspek.