Junior Tigresses pinigil ng Bullpups

By

Pinigil ng defending girls champion NU ang pagdiretso ng UST sa Finals matapos lapain ang 25-20, 25-15, 26-24 panalo sa UAAP Season 80 high school volleyball tournament sa FilOil Flying V Centre kahapon.

Nanaig sa dikdikang labanan sa third set ang Bullpups para itarak ang 10th win sa 11 games.

Tinapos ng Junior Tigresses ang elims sa 11-1 record at lalagpak sa No. 2 sa Final Four kung man­analo ang NU sa laglag ng UE sa final day ng eliminations ngayong alas-otso ng umaga sa parehong lugar.

Parehong hahawakan ng Bullpups at Junior Tigresses­ ang twice-to-beat bonus sa semifinals laban sa De La Salle-Zobel o FEU-Diliman (6-6) sa Linggo.

Malalaman ang pagkakahilera sa Nos. 3 at 4 pagkatapos ng eliminations.

Sa boys, magkikita ang titleholder NU at FEU-Diliman matapos magposte ng straight set wins.

Pinagpag ng Bullpups ang UP Integrated School, 25-13, 25-7, 25-11, pinaluhod ng Baby Tamaraws ang DLSZ, 25-16, 25-12, 25-20.

Magkasalo sa first place sa 11-2 ang NU at FEU-Diliman, paglalabanan nila ngayong araw ang unang twice-to-beat slot sa Final Four.