Allan Diones

Abu Tilamzik  

Joe Barrameda

Billy Balbastro


Showbiz Gallery


 

ENTERTAINMENT

BADING NA DIREKTOR, NA-DEVIRGINIZE NI EUGENE DOMINGO


Sa edad na 36-anyos ay nananatiling loveless ang komedyanang si Eugene Domingo. Hindi man siya makahanap ng boyfriend o asawa ay gusto ni Eugene na magkaanak.

Nagmula sa teatro sa UP si Uge (tawag kay Eugene) bago siya napasok sa showbiz kaya kung siya ang masusunod ay gusto niya sana na taga-teatro rin ang maging ama ng kanyang anak.

Nabuking-buking namin na nagkarelasyon noon si Uge at ang
theater actor na nagdidirek na ngayon ng mga show sa ABS-CBN na si Andoy Ranay.

Inamin sa amin ni Uge na naging magsyota sila ni Direk Andoy nu’ng college days nila sa UP. Alam niya raw na bading ito pero pinatulan niya pa rin.

Ang tsika pa ay si Direk Andoy raw ang naka-devirginize kay Eugene!

"Hindi, baka ako ang naka-devirginize sa kanya!" bulalas ng magaling na komedyana.

Ilang buwan lang daw tumagal ang kanilang relasyon at hindi ito ganu’n kapormal. Hirit namin sa kanya, bakit hindi na lang siya kay Direk Andoy magpaanak, tutal ay naging syota pala niya ito noong araw?

"Eh, pareho kaming maitim, ‘no! Hindi maganda lalabas. At saka baka maingay ang bata! Dapat maputi, para naman ma-improve ang lahi ko," dayalog ni Uge.

Bakit hindi na lang si Christian Vazquez na katambal niya sa pelikulang Apat Dapat, Dapat
Apat
?

Nobyo ni Uge si Christian sa pelikula at nalokah raw siya dahil sa lahat ng eksena nito ay palaging brief lang ang suot ni Christian at nagpapalit-palit lang ito ng kulay ng brief.

"Oo nga, tutal naka-brief naman siya palagi, mabilis na mabilis na ang mangyayari di ba? Kaya lang, tapos na ang shooting namin, eh! Wala na siya!

"At ang hindi ko maintindihan kay Direk Wenn (Deramas) ay kung bakit wala kaming kissing scene ni Christian bilang boypren ko siya!" himutok ni Uge.

Sa trailer pa lang ay kuwela na ang bagong comedy flick ng Viva Films, na in-spoof ng apat na bida ang Pantene commercial.

Si Rufa Mae Quinto ang Gretchen Barretto, si Eugene ang Dawn Zulueta, si Candy Pangilinan ang Ruffa Gutierrez at si Pokwang ang Angel Aquino. Sa Oktubre 10 ang showing ng Apat Dapat, Dapat Apat.

***

Nagpapayat at nag-diet si Coco Martin kaya feeling niya ay mas maganda ang katawan niya ngayon at mas may karapatan siyang maghubad.

Nag-sexy pictorial siya kamakailan para sa X-ray magazine na lalabas daw sa Oktubre. Nu’ng una ay medyo nahihiya raw siyang maghubad sa pictorial pero nu’ng makita niyang maganda ang kinalabasan ng mga shots ay nawala na ang hiya niya.

First daring pictorial niya raw ‘yon sa magazine. Sa pelikula ay wala pang nakakahigit sa paghuhubad niya sa award-winning gay film na Masahista.

Tsika sa amin ni Coco, nakatakda niyang gawin ang indie film na Box Office kasama sina Jaclyn Jose at Paolo Rivero. Gay raw ang role dito ni Paolo at meron silang love scenes na tulad nu’ng sex scenes nila ni Alan Paule sa Masahista.

Mabenta ngayon si Coco sa indie films. Kasama rin siya sa Tirador ni Dante Mendoza, Ataul for Rent ni Buboy Tan, Tambolista ni Adolf Alix at Pitong Tagpo ni Rahyan Carlos.

Isang bagets na nainlab sa mas matandang babae (Cherry Pie Picache) ang papel ni Coco sa ‘Star City’ episode ng Pitong Tagpo.

May kissing scene sila rito ni Ms. Pie at medyo nailang daw si Coco at nahiya after niyang halikan ang aktres.

Nasa cast din si Coco ng indie film na Nars (bading na nursing student ang role niya rito) at sa Batanes: Sa Dulo ng Walang Hanggan na parehong si Adolf Alix ang direktor.

***

‘Home at Heart’ ang titulo ng The Ricky Lo Exclusives mamayang 8:30 PM sa QTV-11.

Tampok sa episode na ito si KC Concepcion na nagbalik-‘Pinas matapos ang apat na taong paninirahan sa Paris, si Ara Mina na kalilipat lang sa kanyang bagong biling multi-million house sa Commonwealth, at si Dra. Vicki Belo sa loob ng kanyang pabulosang mansyon.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top