DUMALO si Lorna Tolentino sa First Best Friends Invitational Golf Classic kahapon sa Wack-Wack Golf and Country Club.
Binuo ito ng Rotary Club of Kamuning dahil miyembro rito si Rudy Fernandez.
Kasama sa sumuporta ang best friends ni Kuya Rudy na sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada, Phillip Salvador at Tirso Cruz III.
Ang beneficiary ng palarong ito ay ang Rudy Fernandez Cancer Foundation.
Puspusan na ang activities ng binuo nilang foundation para makalikom ng sapat na halaga para sa mga naisip nilang project.
Magiging active si LT sa lahat ng project na may kinalaman sa binuo nitong foundation.
Bukod sa HOPE CD ng Star Records ay meron pang Star Olympics na malapit na ring magsimula.
Ang pakay ng Rudy Fernandez Cancer Foundation ay matulungan ang mga kasamahan sa movie industry na may sakit na kanser.
Nakakaapekto na rin naman daw ang mga nababalitaan nating mga kasamahan sa hanapbuhay na may sakit na kanser kaya kahit sa maliit na paraan ay may maitutulong itong foundation.
***
Nakipagkita na si Lorna kay Ma’am Wilma Galvante ng GMA 7 noong Huwebes para pormal na magpaalam dahil tinanggap na ng aktres ang alok ng ABS-CBN 2.
Pagkatapos niyang pumirma sa HOPE CD ng Star Records, nakipagkita si Lorna sa writers ng ABS-CBN 2 para pag-usapan ang sisimulan niyang soap na baka pagsamahan daw nila ni Gabby Concepcion.
Mula sa ABS-CBN ay tumuloy na siya sa GMA Network Center at maayos siyang nagpaalam sa mga top executives ng Siyete.
“Kahit saan ako pumunta, kailangang hindi masira ang pakikipagkaibigan ko sa kanila. Mananatili kaming kaibigan,” pahayag ni LT.
Napag-usapan nila na sakaling magdesisyon na si Renz na pasukin ang showbiz, malamang na sa GMA 7 ito.
Pati si Ralph ay inalok na mag-training doon kung talagang gusto na nitong magdirek.
Isang taon pa raw ay ga-graduate na si Renz. Si Ralph naman ay nag-aaral din sa Mowelfund at may gusto pa itong tapusin na project.