|
|
OPINION
Palalaban na si SP Ngayong tanghali ay magmimiting ang buong defense team at si dating Pangulong Erap du’n sa Tanay, Rizal, upang pag-usapan ang kanilang isasampang motion for reconsideration (MR) sa Sandiganbayan. Ayon sa mga abogado, ang pagdinig ng korte sa MR ay aabutin ng mahigit sa apat na buwan, lalo na’t kung magkakaroon pa ng panibagong oral arguments. At kapag hindi nagbago ng desisyon ang korte, tuloy na ang apela ni Erap sa Supreme Court. Kapag nasa Mataas na Korte na, may isang maselang isyu ang napag-usapan namin nina Sen. Kiko Pangilinan at Atty. Rene Saguisag du’n sa Kapihan sa Senado, na kakabit ng kaso. Magkakaroon ng dalawang bakante sa Mataas na Korte sa 2008 at 2009, at ang lumulutang na mga napipisil ng Malacañang na inombra ay ang dalawang hurado sa special division ng Sandiganbayan na naglitis at humatol kay Erap... sina Teresita de Castro at Francisco Villaruz. Sabi ni Pangilinan, dapat lang na tanggihan ng dalawa ang posisyon, dahil iisipin ng taumbayan na ito’y gantimpala ng Malacañang sa kanilang hatol kay Erap. Ayon naman kay Saguisag, dahil sa hindi raw niya nakikitang aayaw sa posisyon ang dalawa, dapat lang na mag-inhibit sila sa pagdinig ng kaso sakaling abutan pa nila ito sa Korte Suprema. Sa ngayon, laman na rin ng media ang kung anu-anong reaksyon at komento tungkol kay Erap. Isang damukal ang katanungan tungkol sa hatol, dala na rin ng kawalan ng media coverage nu’ng paglilitis. May nagsasabi rin na dahil ito sa hindi pagbasa ng kabuuan nung 211-pahinang desisyon. Ang totoo ay sa kahilingan ‘yon ng kampo ni Erap. Nakikisama ang Usisero sa tanong tungkol sa milyun-milyong jueteng money na umano’y nai-deliver ni Gob. kina Erap... bakit wala man lang naiprisinta ang prosecution na kahit isa o dalawang jueteng lord na nagpatotoo sana na galing nga sa kanila ang koleksyon ni Gob. para kay Erap? May sagot dito ang Grupong Pilyo... hindi hinuhuli ang jueteng lord. *** Puwede nang sabihin na tiyak na ang panibagong banggaan ng Malacañang at Senado dahil sa EO 464 at Memo Circular 108. Hindi ko makitang magkakaroon ng saysay itong ginagawa at gagawing imbestigasyon ng Senado sa Garci tapes at ZTE-Broadband contract. Hindi papayag ang Malacañang na dumalo ang sinumang opisyal ng gobyerno o AFP sa mga imbestigasyon. Pero itutuloy ng Senado ang hearing sa Garci tapes sa Lunes, at uumpisahan naman ng Blue Ribbon ang hearing nito sa ZTE-Broadband contract sa Martes. Ang tanong... may dadalo kayang mga imbitado galing sa AFP at gabinete? Pero may matapang na pahayag na rin si Senate Pres. (SP) Manny Villar... "Ipaglalaban ng Senado ang karapatan nitong mag-imbestiga ng mga tiwaling opisyal at katiwalian sa gobyerno. Ang Senado ay hindi puwedeng diktahan..." Atapang-atao na si SP, sabi ng tropa. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|