|
Erap case nagamit na pasaporte sa SC Testigo sa broadband nababahag Gloria napahiya sa paglaya ni Joma
|
TOP
STORIES
Testigo sa broadband nababahag (Rey Marfil/Bernard Taguinod) Ito ang naging pagkumpirma ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson sa kalagayan ng kanyang testigo na naunang nagpahayag ng kahandaang humarap sa imbestigasyon ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso para ibunyag ang nalalaman sa multi-bilyong pisong broadband scandal na kinasasangkutan ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Benjamin Abalos at ilan pang tiwaling opisyal ng pamahalaan. Bagama’t nananatiling palaban ang kanyang testigo, ikinabahala ni Lacson ang natikmang pananakot at panggigipit ni dating Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) agent T/Sgt. Vidal Doble sa kamay ng mga kaalyado ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang humarap sa Hello Garci probe. Sa takot ma-ala-Doble sa National Broadband Network (NBN) probe, nagdadalawang-isip aniya ang kanyang testigo kung saan ikinukunsidera ang pag-atras matapos mapanood sa national television ang panggigipit ng mga kampon ni Mrs. Arroyo sa dating ISAFP agent. "Nakita niya kasi kung paano takut-takutin si Doble sa hearing. Nakakalungkot lang dahil wala nang maglalakas-loob pang humarap sa mga hearing kung pakiramdam ng mga testigo, sila ay iniinsulto at hinihiya lang sa hearing," ani Lacson. Maliban kay Jose "Joey" de Venecia III, anak ni House Speaker Jose de Venecia Jr., dalawang testigo ang naunang inilutang ni Lacson subalit isa lamang ang nagpahayag ng kahandaang humarap sa national broadband probe kung saan tumanggi ang opposition solon na tukuyin ang pangalan, maliban sa paglalarawang isang babae ito. "Hindi pa naman. Nag-aalanganin lang dahil sa mga pananakot nila kay Doble. Kailangan lang ma-reinforce confidence level," ani Lacson nang tanungin tungkol sa estado ng kanyang testigo. Samantala, inihalintulad naman ng Freedom from Debt Coalition (FDC) ang broadband project sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na napakamahal subalit hindi napakinabangan. Tulad ng BNPP, uutangin ng gobyernong Arroyo ang US$329 milyon sa Chinese government para sa pagtatayo ng broadband network. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|