ERAP AAPELA PAGBABA NI GLORIA

Erap case nagamit na pasaporte sa SC

Testigo sa broadband nababahag

Gloria napahiya sa paglaya ni Joma


Hulaan Blues

Crime Stories


 

TOP STORIES

Librong nakakabobo, utang na lumolobo! --- Ito ang isinisigaw ng mga militanteng kabataan sa pangunguna ng Youth Against Debt (YAD), na nagsagawa ng kilos-protesta sa harap ng Batasan Complex. Nanawagan ang mga kabataan sa mga mambabatas na tutulan ang kontrobersyal na World Bank Textbook loan project. (Jhay Jalbuna)

ERAP AAPELA PAGBABA NI GLORIA

(Rey Marfil With Lily Reyes) 


Kasabay ang pagpupulong ng mga abogado ngayong araw, inilutang ng kampo ni dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada ang senaryong posibleng hintayin na lamang ang pagkakaroon ng bagong Presidente sa 2010 bago iakyat ang apela sa Korte Suprema.

Bagama’t ayaw pangunahan ni Senate pro-tempore Jinggoy Ejercito-Estrada ang magiging desisyon ng kanilang mga abogado, hindi inalis ng mambabatas ang posibilidad na hintayin ng kanyang ama ang bagong administrasyon upang makakuha ng parehas na trato.

Ayon kay Estrada, isa sa nakasuhan at inabsuwelto ng Sandiganbayan sa kasong plunder, maaaring tiisin ng kanyang ama ang tatlong taong pagkabilanggo sa Tanay, Rizal kaysa tanggapin ang anumang presidential pardon o commutation mula sa Palasyo ng Malacañang.

Sa ngayon, sarado ang isipan ng kanyang ama sa anumang presidential pardon o commutation na inaalok ng kampo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, katulad ng ipinalulutang ni Vice President Manuel "Noli" De Castro Jr., bilang bahagi ng pagkakaisa at reconciliation.

Kung si Sen. Estrada ang tatanungin, wala sa bokabularyo ng kanyang ama ang tumanggap ng presidential pardon dahil naniniwala itong inosente ito sa mga kasong ibinibintang, kabaligtaran sa akusasyon ni dating Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson.

Ayaw ding pangunahan ni Estrada ang kaisipan ng kanyang ama subalit naniniwala itong mas pipiliin ng detenidong Pangulo ang manatiling nakabilanggo kaysa tanggapin ang presidential pardon ni Mrs. Arroyo.

"Hanggang kaya niya, titiisin niya, iyong pardon na iyan, malabo iyan. Natiis nga niya ang anim na taon," ani Estrada nang tanungin kung plano ng kanyang ama na hintayin ang susunod na administrasyon pagkatapos ng termino ni Mrs. Arroyo sa 2010 bago iapela ang hatol ng Sandiganbayan.

Sa pagkakaalam ni Estrada, ikinukonsidera ng kanilang kampo ang paghain ng motion for reconsideration sa Sandiganbayan Special Division subalit naniniwala ang senador na pagsasayang lamang ng oras ito.

"Kung ako ang tatanungin, ‘di na ako magpa-file ng motion for reconsideration. Ano pang asahan mo diyan," pagpapakita ng matinding pagkadismaya ni Estrada sa tatlong mahistrado ng Sandiganbayan.

Kung susuriin ang desisyon ng Sandiganbayan Special Division, napakarami aniyang butas na maaaring pagbatayan upang mapawalang-sala ang kanyang ama, katulad ang pagkaka-absuwelto nila sa kaso, kasama ni Atty. Eduardo Serapio.

"Isipin mo, naabsuwelto kami ni Atty. Serapio, eh bakit si Presidente Estrada ay convicted, kung walang ebidensyang nakita sa amin, eh di wala ring ebidensya laban kay Presidente Estrada," anang senador.

Samantala, malabo na umanong mabawi ng gobyerno ang P4.1 bilyong deposito sa bangko at ari-arian ni Estrada.

Ayon kay Sandiganbayan Special Division spokesman Renato Bocar, nabigo ang prosekusyon sa kasong plunder ni Estrada na patunayan na ill-gotten wealth ang lahat ng P4.1 bilyong binanggit sa kaso.

Trabaho ng prosekusyon na hanapin kung saan napunta ang P345 milyon na koleksyon umano sa jueteng upang makuha ito ng gobyerno. 

 

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top