|
|
EDITORIAL
Kabaligtaran ng ipinaglaban sa Edsa Kakaiba ang mga nangyayari ngayon sa ating bansa. Maraming nagaganap na kabalintunaan o kabaligtaran sa sinasabi ng mga namumuno sa ating pamahalaan at sa mga aktuwal na nangyayari sa ating bayan. Hinatulan ng pagkabilanggo ng Sandiganbayan si dating Pangulong Joseph Estrada sa kaso ng pandarambong o plunder. Subalit nahaharap naman sa mga eskandalosong anomalya ang kasalukuyang gobyerno na pumalit sa administrasyong Estrada. Ang kasalukuyang administrasyon ang nagsampa ng mga kaso laban sa dating Pangulo. Nagdeklara rin ng kampanya laban sa korapsyon ang gobyernong Arroyo. May mga lifestyle check pa na ipinatupad ito kaugnay ng kampanya laban sa mga tiwali sa gobyerno. Subalit kakatwa na mismong ang administrasyong nagpatalsik kay Estrada at nagsampa ng mga kaso laban sa dating Pangulo ay nasasangkot ngayon sa kaliwa’t kanang eskandalo. Pinakahuli itong National Broadband Network (NBN) project na mas malaki pa ang perang sangkot kumpara sa kasong kinasasangkutan ni Estrada. Nakakalungkot isipin na maraming mga kuwestyunableng transaksyon na pinasok ang administrasyong Arroyo na hindi pa nalilinawan at nabibigyan ng kasagutan. Kapag iniimbestigahan naman ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ay ginagamit ang Executive Order No. 464 upang walang makapagsalita sa mga tao ng Malacańang sa mga ipinatatawag na imbestigasyon ng Senado. Kabaligtaran ito sa idineklarang transparency sa pamamalakad sa gobyernong Arroyo noong unang manumpa ito sa tungkulin matapos mapatalsik ang administrasyong Estrada. Kabaligtaran sa kanilang mga ipinaglaban daw noong ‘Edsa Dos’ ang mga nangyayari ngayon sa ating pamahalaan. Kaya paano maniniwala ang sambayanang Filipino na seryoso sa kampanya laban sa katiwalian ang gobyerno kung sa kabila nito ay kaliwa’t kanang eskandalo ang nagsisingawan? |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|