Dahil sa lahat ng isport ay may tinatawag na upset, ganito ang nangyari kay Filipino GM Wesley So, nang gulantangin ni three-time national junior champion IM John Paul Gomez sa 3rd Pres. Gloria Macapagal-Arroyo Cup international chess championship sa Duty Free Fiesta sa Parañaque City.
Bunga nito, si Gomez ay nakisosyo sa liderato matapos ang dalawang rounds, kasama ang may walong iba pa sa natitipong 2 points.
Si Gomez ay napasama sa six-man Philippine team na sumabak sa World Chess Olympiad sa Dresden, Germany nang manalo sa national qualifying tournament sa Mandaluyong noong buwan ng Hulyo.
Nagawang pasukuin ni Gomez si So sa 31 mobes ng French advance variation. Bukod ditto, nakaresbak na rin si Gomez mula sa masaklap na kabiguan kay So sa finals ng 17-round Olympiad qualifier.
Una nang naalpasan ng tubong Biñan, Laguna na si Gomez ang asignatura kontra kay Christopher Castellano sa first round.
Nanaig din si IM Barlo Nadera kontra kay No. 16 GM Saidali Iuldachev ng Uzbekistan para sumampa sa eight-man lead pack ng prestihiyosong nine-round tournament.
Nagtala rin ng perpektong two points sina top seed GM Murtas Kazhgaleyev ng Kazakhstan, tatlong entry ng China na sina defending champion Li Chao ng China, co-winner ng nakaraang taon na si Zhao Weiqi at no. 17 GM Li Shilong, at local bets GMs Eugene Torre, Mark Paragua at Darwin Laylo.
Sina 2nd seed GM Zhang Zhong ng Singapore, 3rd seed GM Mikheil Mchedlishvili ng Georgia at 4th seed GM Ehsan Ghaemaghami ng Iran ang nangunguna sa grupo ng mga players na nakaipon ng 1.5 points.
Tulad nina Gomez at Nadera, umiskor ng upset wins sa second round sina no. 39 Wang Li, no. 45 Kaiqi Yang na nanaig kay IM Rolando Nolte ng Pilipinas, no. 71 NM Noel de la Cruz, NM Efren Bagamasbad, Haoxiang Jia, at World Under-16 Olympiad campaigner Emmanuel Garcia.
Ang iba pang nagsipanalo sa second round ay sina GM Susanto Megaranto, IM Richard Bitoon, IM Aleksander Wohl, IM Ronald Bancod, at Leonardo Carlos.
Nakataya ang total cash prize US$40,000 sa annual tournament na inorganisa sa ikatlong sunod na taon bilang pagkilala sa Pangulo. Tatanggap ng US$6,000 ang magkakampeon.
Pagkatapos ng PGMA Cup ay isusunod naman ng NCFP ang fourth edition ng Pichay Cup na may total cash prize na US$30,000.
|