Laro bukas:
(Araneta Coliseum)
2:00 p.m. -- Cheerleading competition
4:00 p.m. -- Letran vs San Beda (Srs)
Hindi hinayaan ng defending champion San Sebastian Staglets na masilat pa sila, kaya’t kahapon ay hindi pinaporma ng tropa ang Jose Rizal University Light Bombers, 97-88, at maging ang mainit noong Biyernes na si Keith Agovida ay natameme rin sa pagtatapos ng elimination round ng NCAA juniors basketball competition sa Cuneta Astrodome.
Dahil panalo, umakyat sa Finals at may twice-to-beat incentive ang Staglets.
Nagtambal ang mga beteranong sina Arvie Bringas at Almond Vosotros ng 29 at 26 points, ayon sa pagkakabanggit, para sa Staglets na na-sweep ang 12-game elims at lumapit sa pag-abot ng kanilang ikaapat na sunod na titulo. May 19 points si Jamil Ortuoste habang nagdagdag si Raffy Gusi ng 13 markers sa SSC-R
Pumasok sa payoff period ang SSC-R na tangan ang 68-54 bentahe ngunit nakaganti naman ng 20-6 run ang Light Bombers na isinara ng isang three-pointer ni Louie Vigil upang itabla ang laro sa 74-all may 1.9 segundo na lamang sa regulation. Nagtangka pa si Bringas na ipanalo ang Staglets ngunit sumablay ang kanyang outside jumper sa pagtunog ng buzzer.
Sinimulan ng SSC-R ang extension sa 5-0 run bago muling makabalik ang JRU para itabla ang laban sa 79-all may 3:19 na lamang ngunit ito na ang pinakahuling pagkakataon na nakapag-alsa ang Heavy Bombers at tuluyang tumiklop sa endgame.
“Nagtiyaga-tiyaga lang kami buti na lang andun yung championship experience ng mga bata kaya they never gave up,” ani Staglets coach Raymond Valenzona, na naka-sweep sa kauna-unahang pagkakataon sapul nang hawakan ang team noong 2002.
Matapos kanain ang kanyang Philippine basketball record na 82 points noong Biyernes kontra Mapua (127-49), nakuntento na lamang si Agovida sa paglagak ng 21 points at 18 boards habang si Vigil ay may 22 markers para sa JRU, na isinara ang elims sa third spot (7-5). |