Tama ang posisyon ni Valenzuela Rep. Rex Gatchalian na ituloy ng Kongreso ang imbestigasyon sa bagong hiring policy ng Saudi Arabian government na maglalagay sa alanganin sa mga overseas Filipino workers sa naturang bansa sa Middle East.
Nitong nakaraang Setyembre 1 dapat ipinatupad ng Saudi government ang unified contract scheme sa mga OFWs na nagsasaad na kailangan nilang makipag-ugnayan sa mga miyembro ng Saudi National Recruitment Committee (SANARCOM) na isang grupo ng private recruitment agencies sa Saudi Arabia.
Pansamantalang hindi muna ipinatupad ng Saudi government ang bagong hiring policy dahil na rin sa maraming kritisismo hindi lamang sa mga OFWs kundi sa mga opisyal ng pamahalaan, kabilang na si Gatchalian na nagpasa ng isang House resolution hinggil sa naturang isyu.
Sa ilalim ng House Resolution 751, nanawagan si Gatchalian ng imbestigasyon ng House Committee on Overseas Workers Affairs na ang layunin ay makapagpanukala ng mga batas na magbibigay proteksyon sa mga OFWs sa ilalim ng bagong hiring policy ng Saudi.
Ayon na rin kay Gatchalian, ang pag-defer sa implementasyon ng bagong hiring policy ng Saudi government ay hindi nagreresolba sa isyu dahil hindi naman tuluyang ibinabasura ang naturang iskema.
“The announcement of Saudi Arabia Ambassador Mohammed Ameen Wali to postpone the implementation of the unified contract scheme was only for a limited time, and if it comes back again, our response policies will be ready to address the matter,” ani Gatchalian na pangunahing advocacy sa Kongreso ang kapakanan ng OFWs.
Sa ilalim ng bagong hiring scheme, magsisilbing middleman ang SANARCOM na mangangahulugang lahat ng kontrata at visa ng mga OFWs papuntang Saudi ay kailangang dumaan dito.
Ang hindi maganda sa ganitong sistema ay mapapasailalim sa SANARCOM ang lahat ng local recruitment agencies dahil hindi na sila puwedeng makipag-usap ng direkta sa mga Saudi employers gaya ng nangyayari dati.
“Pertinent provisions in the scheme essentially allow the substitution of the Philippine Overseas Employment Agency (POEA) standard contract of the workers to a Sanarcom-approved work contract,” ani Gatchalian. Kung matatandaan, nagbalak din noon ang SANARCOM ng Saudi na ipatupad ang katulad na hiring policy noong 2003 pero hindi itinuloy dahil na rin sa matinding oposisyon hindi lamang sa Philippine government kundi maging sa mga local recruitment agencies na maaapektuhan ng naturang patakaran.
Mahirap nga naman para sa ating mga OFWs sa Saudi ang bagong hiring policy dahil mawawala ang mga batayang karapatan nila gaya na lamang sa isang probisyon na nagbabawal sa OFW na umalis sa pinagtratrabahuhan na walang “justified reason” na hindi naman sinabi kung ano ang mga ito.
“This creates wider latitude to impose unreasonable requirements on salaries and work conditions at the actual situation in Saudi Arabia, to the detriment of our unknowing, hapless workers,” sabi pa ni Gatchalian.
Dapat lang na paspasan ng Kongreso ang pagrepaso sa bagong hiring policy na ito ng Saudi dahil sa ngayon nga ay mahirap na ang kalagayan ng mga OFWs sa Saudi at kung magkataon ay lalung pahihirapin ang kanilang sitwasyon kung ituloy ang plano ng SANARCOM.
|