Good day!
Gusto ko sanang magtanong tungkol sa pangalan ng aking anak. Single mother ako. Nang ipanganak ko siya, nailagay ko sa kanyang buong pangalan pati ang aking middle name na maiden name ng mother ko. Pwede ho ba iyon? O kailangan na tanggalin ko ang middle name niya since sa akin siya nakapangalan at hindi sa kanyang ama.
Ano ang proseso na kailangan kong gawin at kanino ho ako lalapit para maayos ang kanyang birth certificate habang siya ay 7 years old pa lang to make everything legal lalo na sa mga papeles niya ho ‘pag nag-ayos na siya ng kanyang passport?
Maraming salamat po sa tulong n’yo. All the best sa inyong column.
Maxie
Dear Maxie,
Maaaring gamitin ng bata ang maiden name ng iyong ina. Hindi ipinagbabawal ng batas ang paggamit ng karagdagang apelyido ng ninuno o “ascendant” na tinatawag. Ito ay ayon sa principle na ang apelyido ay ang nagsasabi sa pinagmulang angkan ng tao. Kaya lamang, kung nais mong baguhin ang apelyido ng anak mo, maaari mong gawin ito sa pamamagitan ng judicial authority (Article 376, New Civil Code). Ang pagpapalit ng pangalan ay isang pribilehiyo, hindi ito isang karapatan. Ang simpleng kagustuhan lamang ng pagpapalit ng pangalan ay hindi sapat na dahilan para mapalitan ito. Ang ilang halimbawa ng katanggap-tanggap na dahilan ay ang mga sumusunod:
1. Kung nakatatawa o nakahihiyang pangalan o sadyang mahirap isulat o bigkasin;
2. Kung ang karapatan sa pagbago ng pangalan ay dulot ng pagpapalit ng estado, gaya na lamang kung ang bata ay kinilala ng magulang o ginawang lehitimong anak ang kanyang estado;
3. Kung ang pagpapalit ng pangalan ay makaiiwas sa kaguluhan o kalituhan;
4. Kung lubos ang kagustuhan na magkaroon ng pangalang Filipino para alisin ang pagka-dayuhan ng pangalan dahil sa dating nasyonalidad na talagang nakasasagabal sa pamumuhay gaya ng “social and business life”.
Ang paggamit ng isang tao ng pangalang iba ngunit nakasanayan na at kilala na ay hindi nangangahulugan na may “reasonable cause” o matibay na dahilan o kaya ay basehan para legal na pahintulutan ang pagpapalit ng pangalan.
Sa legalidad, ang totoo o opisyal na pangalan ng isang tao ay kung ano ang nakarekord sa civil register.
Sumasainyo,
Senator Francis ‘Chiz’ Escudero
|