Kasabay ang pagkuwestiyon at planong paimbestigahan ang posibleng paglabag ng Amerika sa Visiting Forces Agreement (VFA)), ibinunyag ni opposition Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson ang matinding interes ng mga Amerikano sa Mindanao.
Ayon kay Lacson, nakakapagtaka ang pamamalagi ni US Ambassador Kristie Kenny sa Mindanao, maging ang pagpapel sa signing ng naunsyaming Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) sa pagitan ng separatistang Moro Islamic Liberation Front (MILF).
“Bakit kung bibilangin mo ang bisita ni Kenney out of 365 days at least 120 days nasa Mindanao siya. Bakit ganoon kalaki ang interes ng US sa Mindanao?” resbak ni Lacson.
Isa sa nakikitang rason ni Lacson kung bakit napakainteresado ng Amerika sa Mindanao, walang iba aniya kundi naglalaway sa resources ng rehiyon kung saan maraming kapakinabangan ang makukuha ng mga Kano kapag natuloy ang peace accord sa pagitan ng MILF.
“Dahil ba napakayaman sa resources ng Mindanao at kailangang hiwalay sa RP nang sa ganoon ang foreign interest papasok doon? Ito ang bagay na kung pag-aaralan natin pwede nating pag-isipan bakit ganoon na lang ang pagpursige nitong admin at ng foreign countries na maski labag sa ating Constitution ang pagpirma ng MOA-AD, pipilitin pa nila,” ani Lacson.
Kinuwestiyon din ni Lacson ang overstaying na puwersa ng Kano sa Pilipinas kung saan paulit-ulit aniyang nilulusutan ang gobyerno at lantaran pang iniinsulto ang mga Pilipino subalit nagsasawalang-kibo si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Kaugnay nito, ikinasa ni Lacson ang pagpapatawag ng imbestigasyon, sa pamamagitan ng Congressional Oversight Committee on Visiting Forces Agreement upang mahimay ang mga paglabag sa kasunduan.
|