Pinanindigan ng Palasyo ang bagong polisiya nito ukol sa pagpapairal ng Disarmament, Demobilization at Reintegration (DDR) sa sandaling buksang muli ang peace negotiations.
Ayon kay Deputy Presidential spokesman Anthony Golez, klaro ang posisyon ng Pangulo pagdating sa peace talks at ito ay ang mahigpit na pagpapairal ng DDR bilang pagpapakita ng sensiridad.
“Klaro ang gusto ng Pangulo sa usaping kapayapaan. Hindi pwede na matapos lahat ng ito na walang reintegration sa dulo o walang disarmament sa dulo, or else there is no sign of sincerity,” diin pa ni Golez.
Ayon pa kay Golez, kung magkakaroon ng panibagong negosasyon, kailangang sundin ang konteksto ng DDR.
“The context is DDR. This means that if ever there are new negotiations, disarmament, demobilization, and reintegration should be discussed,” diin pa ni Golez.
Ngunit nilinaw ng opisyal na ang aktuwal na disarmament ng mga kalaban ay hindi naman pangunahing kailangan para masimulan ang negosasyon sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) maliban na lamang sa rebel commanders na kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad dahil sa pang-aatake ng mga ito sa central Mindanao.
Partikular dito sina MILF commanders Ameril Umbra Kato at Abdullah Macapaar alyas Bravo na patuloy na tinutugis.
|