Ito ang naging prediksyon at pangamba ni opposition Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson sa pagkakabisto ng P200 milyong ‘tongpats’ sa extension ng South Luzon Expressway (SLEX), partikular ang C-5 Road patungong Sucat, Parañaque City.
Ayon kay Lacson, wala pang linaw kung isang uri ng ‘congressional insertion’ o isiningit ng mga miyembro ng Kamara ang P200 milyong alokasyon sa konstruksyon ng C-5 Road, sa pamamagitan ng double entry at pag-iiba sa pangalan ng kalye.
Kung hindi nabisto, ani Lacson, masaring gamiting campaign fund sa 2010 ang maisusubing P200 milyong ‘tongpats’ sa double entry ng C-5 Road sa ilalim ng 2009 proposed budget o kaya’y ibubulsa ng sinumang nagsingit nito.
“Di ko alam kung totoo ang sinasabing congressional insertion pero kung Malacañang ang may kagagawan noon, ibig sabihin nanakawin ang P200M kasi funded sa dalawang kalsada pondohan mo under different names. Sa’n pupunta ‘yan kundi sa bulsa?” ani Lacson.
Kaugnay nito, hindi rin pinalagpas ni Lacson ang lantarang pangungurakot ng administrasyong Arroyo kung saan wala ng pinipiling pagkakataon, katulad sa nabistong pagdodoble ng pondo subalit iisang proyekto ito.
Sa ngayon, tanging ‘double entry’ ng P200 milyong C-5 Road ang nasilip ni Lacson sa isinumiteng 2009 proposed budget at posible aniyang napapalusutan ang Dalawang Kapulungan ng Kongreso sa mahabang panahon, sa pamamagitan ng pagbabago sa pangalan ng kalsada o proyekto.
“Di pa namin nakikita. Pero kung nangyayari ito ibig sabihin nangyari sa nakaraan kung saan isang proyekto two times pinondohan. Two times tayo pinapatay sa pangungurakot ng gobyerno. P200 million for Carlos P. Garcia Avenue and P200 million for C-5, but C-5 ‘yan ang dating pangalan. So popondohan mo two times, extension from Sucat to SLEX,” ani Lacson.
Maagap namang itinanggi kahapon ni Budget Secretary Rolando Andaya na may kinalaman sila sa nadobleng alokasyon para sa pagpapagawa ng C-5 Road.
Ayon kay Andaya, pinondohan na ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa ilalim ng 2008 budget ang P200 milyong rehabilitasyon ng C-5 Road subalit nadoble ito nang magpalagay din ng pondo ang Kongreso.
Bagama’t may kakayahan ang kalihim na malaman kung sino ang nagsingit ng pondong ito, sinabi na lamang nito na sa Kamara o Senado nangyari ang insertion.
“Sila ang naglagay nu’n, hindi kami!” pagdidiin ni Andaya sa isang ambush interview matapos ang budget hearing ng Senate committee on finance.
|