|
ARMM DPWH OFFICIAL TINAMBANGAN Magkapatid na killer todas sa shootout P.5M tinangay sa Koreano at Hapon
|
BALITANG
PROMDI
ARMM DPWH OFFICIAL TINAMBANGAN (Nilo Marasigan) Utas ang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) makaraang tambangan ng mga nakamotorsiklong suspek habang papasok sa kanyang tanggapan kamakalawa. Tinukoy ang inambus na si Steve Sinarimbo, 39-anyos, administrative officer ng DPWH sa nabanggit na probinsya, na namatay noon din sanhi ng naglagos na bala sa katawan. Sa report kahapon sa Camp Crame, sakay na umano ng pampasaherong jeep si Sinarimbo patungo sa kanyang opisina nang dikitan ang behikulo ng mga nakamotorsiklong suspek. Kasunod nito, walang habas na umanong pinaputukan ng mga hinihinalang hired killers ang biktima bago mabilis na tumakas palayo sa lugar. Sinabi naman ni P/Sr. Insp. Willie Kasuyo ng Cotabato City PNP na posibleng nasundan ng mga suspek ang biktima mula sa pag-alis nito sa kanyang bahay. Si Sinarimbo ang ikatlo nang opisyal ng gobyerno sa ARMM na pinatay sa loob lamang ng kasalukuyang buwan kasunod nina Macario Calunsag, hepe ng Social Security System at Cotabato City postmaster Akmad Kamsa. Dahil dito, tuluyan nang sinibak ng Central Mindanao Police Command sa puwesto si Cotabato City Police chief, P/Supt. Paniares Adap dahil sa command responsibility. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|