Imbes na harangin, dapat na umanong masertipikahan ngayon bilang urgent ng Malacañang ang panukalang P125 across-the-board legislated wage hike ng mga manggagawa sa pribadong sektor na ilang taon nang nakabitin sa Kongreso.
Ito, ayon kay Gabriela Women’s party-list Rep. Liza Maza, ang kailangang aksyunan sa lalong madaling panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil halos isang dekada na ang proposed wage increase ng mga manggagawa na aniya’y kinamatayan na ni dating labor leader at Bayan Muna Rep. Crispin Beltran.
Ayon kay Maza, taong 1999 pa nang unang ipagsigawan sa kalye ng sektor ng paggawa ang P125 across-the-board wage increase ngunit sa kasamaang-palad ay hindi pa rin ito naaaksyunan mula nang ihain sa 11th hanggang sa kasalukuyang 14th Congress.
Gayunpaman, kumpiyansa ang lady solon na may kahihinatnan na ang isinampang House Bill No. 1722 o an Act providing for a P125.00 across-the-board legislated wage increase for all workers in the private sector makalipas na maiskedyul ito kamakailan sa deliberasyon ng Kamara.
Ayon pa kay Maza, sa kabila ng paulit-ulit na hirit na umento ng sektor ng paggawa, tanging pinakamalaking naibigay ng wage boards ay ang P20 lamang sa basic pay ng mga manggagawa.
Kaugnay nito, umapela ang lady solon sa mga kapwa mambabatas na suportahan ang naturang panukalang batas para mabigyan ng ayuda ang sektor ng paggawa na labis nang nabugbog sa serye ng oil price increases na nagresulta sa pagtaas ng presyo ng basic commodities at serbisyo.
|