Hindi pa rin sumusuko at nauubusan ng pasensya si UP Law Professor Atty. Harry Roque para tuluyang mapiga si dating Economic Planning Secretary Romulo Neri na ibunyag ang nalalaman nito sa naging papel ng administrasyong Arroyo sa nadiskaril na $329-million broadband deal.
Ayon kay Roque, makikiusap siya sa mga senador ngayong Lunes para pag-usapan ang kanilang petisyon sa international court.
Naniniwala si Roque na bagama’t sinelyuhan na ng Supreme Court (SC) sa pamamagitan ng final ruling ang executive privilege na nagsisilbing ‘kalasag’ ni Neri, sinabi nito na maaari pang habulin ang desisyon ng korte sa international court.
“Mayroon pa tayong remedyo diyan, despite its finality in the domestic legal system. We can use international law as basis if all remedies in the Philippine legal system have all been exhausted,” wika ni Roque sa panayam ng dzMM radio.
Aniya, nilabag umano ng desisyon ng SC ang Article 19 ng International Covenant on Civil and Political Rights, kung saan nakasaad diumano ang right to information ng publiko.
Pero, paliwanag ng abugado, hindi uusad ang naturang hakbang kung hindi makikiisa ang mga senador sa petisyon.
Samantala, sa pagkilala ng Korte Suprema sa executive privilege, inilutang ni opposition Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson ang senaryong mauuwi sa ‘patigasan ng mukha’ ang imbestigasyong gagawin ng dalawang Kapulungan ng Kongreso tuwing ipapatawag ang mga gabinete at kampon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon kay Lacson, mas lalo pang lalakas ang loob ng mga tauhan ni Mrs. Arroyo, partikular ang lahat ng opisyal na nasa ilalim ng Office of the President (OP) na gumawa ng kabulastugan dahil nakakita ng alas kapag ipatatawag sa public hearing.
Bagama’t inirerespeto ang desisyon ng mga mahistrado, masakit sa panig ng sambayanang Pilipino ang ‘side effect’ ng Supreme Court (SC) ruling kung saan mawawalan ng tapang ang lehislatura at gagamiting panangga ng mga kampon ni Mrs. Arroyo ang executive privilege.
“Nag-rule ang SC nagiging batas na ‘yan maski mali o tama kasi court of last resort ‘yan. Sila ang final arbiter ng Constitution. Ang implication lang, lalakas ang loob ng OP o Pangulo para ang Cabinet officials ‘di na magsasalita kung may investigation sa Senado. Magiging very selective sila,” ani Lacson.
Kahit hindi maaring gamitin sa ibang isyu ang executive privilege, nakikita ni Lacson na aabusuhin ng mga kampon ni Mrs. Arroyo ang kapangyarihang ipinagkaloob ng Korte Suprema kay Neri lalo pa’t selective sa public hearing ang Palasyo ng Malacañang tuwing isinasangkot sa eskandalo ito.
|