Namatay dahil sa dami ng tinamong tama ng bala ang isang 32-anyos na binata na binangga muna ng scooter bago pinagbabaril kamakalawa ng gabi sa Novaliches, Quezon City.
Kinilala ang biktima na si Reynaldo Quiangco ng 55 San Ignatius St., Sitio Villareal, Bgy. Gulod, Novaliches na nagtamo ng maraming tama ng bala sa braso, likod at dibdib.
Sa imbestigasyon ni PO1 Rolando Aliguer, binangga ng suspek na isa umanong negosyante at nakilala lamang sa alyas Bonbon na sakay na scooter ang biktima na noo’y naglalakad naman kasama ang pinsan sa St. Ignatius Street pasado alas-otso ng gabi.
Sa halip na mag-sorry, nagalit pa umano ang suspek at agad pinaputukan ng ilang ulit ang biktima na idineklarang dead on arrival sa pinagdalhang pagamutan.
Nakatakas ang salarin matapos ang pamamaril pero narekober umano ang ginamit na baril subalit wala ang magazine nito.
|