Alfie Lorenzo  

Abu Tilamsik  

Jun Lalin  

Allan Diones  


Pralala Et Cetera

Showbiz Gallery


 

ENTERTAINMENT

Dingdong, nagmistulang sex symbol 


Dumagsa na naman ang mga girlash at bading sa taunang Cosmopolitan Bachelor Bash kamakalawa nang gabi sa NBC Tent sa The Fort.

Bandang 10:00 PM nagsimula ang actual show, pero bago ‘yon ay may sexy parlor games ng sponsors na pang-warm up sa audience.

‘Inflight games’ ang tawag dito ng babaeng host dahil isang malaking eroplano ang drama nu’ng gabing ‘yon na kunwari ay sakay ng ‘Air Cosmopolitan Flight 69’ ang mga nasa NBC Tent.

Pagkatapos ng mga kalandiang palaro with the guys na sinalihan ng mga game na girls sa audience ay kiyemeng nag-crash land ang Air Cosmo sa isang deserted island.

Paghawi ng tabing ng stage ay isa-isang naglabasan ang mga lalakeng itsura ng native islanders na may mga hawak na sibat. Mala-gubat ang design ng stage with matching waterfalls.

Sunud-sunod na umentra ang unang batch ng male models na umiindak-indak sa saliw ng tribal beat ng live band sa gilid ng entablado.

Sari-sari ang itsura ng mga modelo at kung anik-anik ang kanilang suot. Halos puro maninipis na tights o shorts ang kanilang pang-ibaba kaya nagbabakatan ang kanilang mga bukol.

May mga nagsirampang mataba ang katawan kaya ang sagwa nilang tingnan. Grabe ang hiyawan ng crowd na para bang takaw na takaw sa mga lalake.

Bilib kami sa mga girlash na nagtiyagang tumayo sa tila moshpit sa gitna ng magkabilang rampa, makita lang nang malapitan ang katawan ng mga sexy hunk.

May mga kasali pa ring Brazilian models at iba pang banyagang modelo pero parang mas impressive at mas kaelya-elya ang batch nina Sofian (French male model na natsismis kay Keanna Reeves) last year.

Ang sunod na batch ay may mga naka-helmet o pilot hat na nagkikintaban ang mga suot na leotards at may mga hawak na umiilaw-ilaw.

Nakabalatay ang mga harapan nila sa hapit nilang suot at kung saan-saan nakapaling ang kanilang mga nota.

Tuluy-tuloy ang pag-entra at pag-exit ng mga modelo at halos iisa na ang tingin namin sa mga mukha nila kaya hindi na namin matukoy kung sino sa kanila ang kilalang model, sino ang kasama sa 69 bachelors at sino ang pamparami lang.

Maya-maya ay lumitaw ang isang malaking sapot ng gagamba sa entablado na may mga lalakeng nagkukunyapit o nakatiwarik, itsura ng mga gimik kapag big night sa gay bar.

Rampahan na naman ang panibagong batch kaya non-stop ang parada ng mga bukol. Kung may matataba ay meron ding batu-bato ang katawan at mukhang wrestler o kargador.

Huling grupo ‘yung kasunod ng mga piratang nag-eeskrimahan. May mga matatangkad na ang gaganda ng mukha’t katawan at katakam-takam ang dating pero meron ding hindi namin alam kung bakit nandu’n sa entablado.

***

Umugong ang tunog ng paparating na choppers at ipinakita sa videowall ang tatlong helicopters na lulan ang ‘rescuers’ na magliligtas sa crash survivors.

Sila ang sampung celebrity centerfolds this year na isa-isang umentra sa stage suot ang kanilang military combat uniform.

Una si Paolo Paraiso na tinilian ng crowd nang hubarin niya ang kanyang shirt at ihagis sa audience.

Sunod ang Bench model na si Jon Avila na nagtanggal din ng pantaas at humugot ng mabalahibong keychain mula sa kanyang camouflage chorts sabay hagis sa wild crowd.

May landi ang pagrampa at pag-project ng tinaguriang Brazilian sensation na si Bruno Folster. Naghubad din ng shirt ang seksing miyembro ng Showboys ng SOP.

Kasunod ni Bruno ang Star Magic talent at kasali sa teleseryeng Walang Kapalit na si Joem Bascon. Medyo may hawig kay Piolo Pascual si Joem pero hindi sexy ang katawan niya at hindi maganda ang balat niya kaya kataka-taka na nakasama siya sa sampung centerfolds.

Bagets ang appeal ng modelong si Marvin Raymundo at ang ganda ng kanyang abs pero parang malamya ang kanyang dating. Imbes na Marvin ay ‘Ina Raymundo’ tuloy ang sigaw sa kanya ng katabi namin.

Angas-angasan na animo’y si Incredible Hulk ang drama ni Luke Jickain pagrampa niya sa catwalk, pero puro sila tweetums dahil panay sila nakapantalon at shirt lang ang hinuhubad.

Ang lakas ng hiyawan paglabas ni Derek Ramsey lalo na nang tanggalin niya ang kanyang black sando. Si Derek ang pinakamukhang military man sa kanilang lahat, pero hanggang topless lang din siya at wala man lang ibang ipinasilip sa audience.

Panghuli siyempre si Dingdong Dantes na nagtanggal din ng shirt at rumampa in his fatigue pants. Hindi magkamayaw ang audience kay Dingdong na para bang bigla itong naging isang sex symbol.

Hindi kasing-defined nu’ng nasa Cosmo supplement ang katawan at abs ni Dingdong sa personal pero keri na rin at dinaan na lang niya sa attitude.

Bumagay kay Dingdong ang kanyang tan, na mas naging brusko ang kanyang appeal kesa nu’ng tisoy na tisoy siya.

Wala roon ang nobya niyang si Karylle dahil dumalo raw ito sa kasal ng bestfriend sa Amerika. Wala rin ang katambal ni Dong sa Marimar na si Marian Rivera dahil may taping daw sila nu’ng araw na ‘yon, nag-excuse lang siya para dumalo sa Cosmo Bash at pinagbigyan naman siya ng GMA.

Hindi rin nakasipot ang dalawa pang celeb centerfolds na sina Alfred Vargas (na may taping ng Nuts Entertainment) at Jake Cuenca (na may taping ng Natutulog Ba Ang Diyos?).

 

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top