|
|
EDITORIAL
Gustong lumusot? Mistulang ‘hawak sa leeg’ ngayon ang gobyernong Arroyo ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) dahil sa bantang ‘hospital holiday’ ng mga ospital na kasapi ng asosasyon bilang pagtutol sa inaprubahang Republic Act 9439 o ang Hospital Detention Law.
Iginigiit ng samahan ng pribadong ospital na amyendahan ang ipinasang batas dahil hindi ito makatarungan para sa kanilang hanay bukod pa sa magdudulot ito ng malaking pagkalugi sa kanilang negosyo. Ang ‘hospital holiday’ ay ilalarga hangga’t hindi naaamyendahan ang Hospital Detention Law. Bagama’t plantsado na ang plano ng mga pribadong ospital na nasa 500 ang miyembro, gumagawa pa rin ng paraan ang gobyernong Arroyo sa pamamagitan ng Department of Health upang mapigil ang bantang ‘hospital holiday’. Ang responsibilidad para ayusin ang gusot ay buung-buong iniatang ng gobyernong Arroyo sa DOH kasabay ng pagsasabing may kumpiyansang mareresolba ito ng DOH sa pangunguna ni DOH Sec. Francisco Duque III. Sabagay, may punto ang liderato ng gobyerno na iatang sa DOH ang responsibilidad bilang ahensiya ng gobyerno na tututok sa anumang problemang may kaugnayan sa kalusugan. Subalit kritikal ang usaping ito kaya’t kailangang panghimasukan ng matataas na opisyal sa ating gobyerno nang sa gayun ay mahimay ang bawat aspeto at matiyak na walang masasakripisyo sakaling matuloy o hindi ang bantang ‘hospital holiday’. Matinding problema para sa bansa ang bantang ‘hospital holiday’ kaya’t dapat makialam ang matataas na opisyal ng ating gobyerno, hindi iyong basta na lamang ipauubaya sa DOH. Dapat bago isinabatas ang RA 9439 o ang Hospital Detention Law ay nakita ang negatibo at positibong epektong dulot sa ospital at pasyente ng batas. Hindi iyong kung saan naisabatas ay saka magkakaipitan. Hindi kaya gusto lamang makalusot sa mas matinding problema ng liderato ng gobyerno kaya ipinamahala sa DOH ang pagresolba sa isyu?
|
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|