OCTOBER 29, 2011 SATURDAY
Become a fan on facebook
Follow us on twitter

Exchange Rate
October 28, 2011
As of 3:30 pm
U. States 42.6706
Bahrain Dinar 113.240
Euro 60.4714
HK Dollar 5.49389
Japan Yen 0.562932
Saudi Riyal 11.3840
S’pore Dollar 34.2803
Taiwan Dollar 1.42984
UAE Dirham 11.6235
UK Pound 68.6547
Custom Search

Iza, ayaw pag-usapan ang sakit ng ama

Carlene, hirap magsalita matapos manganak

GORGY RULA

 

ISANG drama anthology ni Iza Calzado ang ipapalit sa timeslot na iiwanan ng Comedy Bar nina Eugene Domingo at Allan K. Ang pagkakaalam namin, father and daughter na kuwento ang u­nang epi­sode na gagawin ng aktres na mala-Dance with my Father.

Maaaring alay na rin ito ni Iza kay Tito Lito Calzado na ang dinig namin ay nasa bahay lang ito dahil sa kanyang karamdaman.

Hindi na rin namin nakikita si Tito Lito sa taping ng Walang Tulugan, pero gusto pa rin daw sana nito na siya ang magdirek.

May mga nakarating sa amin kung ano talaga ang tunay na kala­gayan ni Tito Lito, pero hindi na namin isusulat dahil alam namin ayaw na ni Iza na pag-usapan pa ito.

Kahit sa mga interview ay ayaw na rin ni Iza na sagutin pa ito, kaya iniiwasan na niya itong pag-usapan.
Isa kami sa nagdarasal sa agarang paggaling ni Tito Lito, at inaasahan naming makikita uli namin siya sa taping ng Walang Tulugan.

***

Pagkatapos manganak ni Carlene Aguilar, ang inaabangan naman namin ngayon ay ang panga­nganak ni Glydel Mercado. Tumigil na si Glydel sa taping ng My Binondo Girl dahil isang buwan na lang puwede na siyang manganak.

Kahit si Tonton Gutier­rez ay pinaghahandaan na rin niya ito. Excited na rin daw ang panganay nilang anak na si Aneeza sa nalalapit na pagdating ng baby sister nito.

Kuwento ni Glydel, nakikita raw niyang nagseselos ito minsan dahil matagal na panahon na sa kanya lang naka-focus ang atensyon nilang mag-asawa, pero binibigyan daw nila ito ng responsibility para sa kanyang kapatid para maramdaman nito ang kanyang pagka-ate.

Pagdating ng kanilang pangalawang baby, ba­lak na ni Tonton na bumili ng bahay para sa kanilang pamilya dahil nadadagdagan na sila ng pani­bagong miyembro ng pamilya.

Kung si Glydel nga ang masusunod, tama na raw ang dalawang anak para sa kanila ni Tonton para madali raw nila itong maalagaan.

Pero parang type pa ni Tonton na madagdagan at sana nga raw magka-baby boy na para kumpleto na sila.

Samantala, balik tayo kay Carlene, medyo matagal-tagal daw na magpapagaling siya pagkatapos niyang ma-caesarean nang manganak.

Medyo nahirapan daw talaga siya dahil normal naman ang una nitong panganganak.

Kaya tumanggi pa itong magpa-interview sa Startalk dahil kahit magsalita nang matagal ay nahihirapan pa siya.

Natutuwa ring magkuwento si Carlene sa reaksyon ni Calix nang nakita nito ang kanyang baby brother.

Nakikita raw niyang sobrang excited ito pero minsan may konting selos din daw ito, pero nakikita naman daw niyang mahal na mahal nito ang kanyang bunsong kapatid.

Medyo napapadalas ngayon si Calix sa ama niyang si Dennis Trillo dahil hindi ito gaanong maala­gaan ni Carlene gawa nang nagpapagaling pa siya.

Kaya todo-bonding daw ngayon ang mag-ama.

***

Marami ang nakapansin ngayon na lalong gumuguwapo si Mark Herras. Maganda ang ayos ng kanyang buhok sa Party Pilipinas nu’ng nakaraang Linggo, kaya sinabihan itong i-maintain ang ganung ayos ng buhok.

Patapos na ang Time of Life kaya sunud-sunod ang taping nito at todo ensayo pa ito dahil mas bonggang sayawan ang mapapanood sa finale nito.

Balak ni Mark na pagkatapos ng taping sa Time of My Life, gusto nitong mag-enroll sa gym para mag-concentrate daw muna siya sa pagpapaganda ng katawan.

Pagkatapos niyang rumampa sa Cosmo Bachelor Bash, na-challenge si Mark na lalong pagandahin ang katawan.

Kaya gusto na nitong kumuha ng trainor at magbabad sa gym para maayos kung ano ang dapat baguhin sa kanyang katawan.

Gusto niya na bago siya magsimula sa panibago niyang project ay maganda ang katawan niya at ibang-iba sa ayos niya sa Time of My Life.

Excited din si Mark sa pelikulang ginawa niya kay Cesar Montano. Kaya lang, sa January 2012 pa ito mapapanood kaya gusto ni Mark sa promo ng naturang pelikula, maganda na ang katawan nito at lalo pa siyang gumuwapo.

***

May interview kay Manny Pacquiao ang Playboy na mababasa sa November 2011 issue nito. Hindi maitatangging si Manny ang pinakasikat sa sports, kahit ikumpara pa ito kay Floyd Mayweather.

Sa interview sa kanya sa naturang men’s magazine, halatang mas type nila ang ating Pambansang Kamao kesa kay Mayweather.

 
 
HOME TOP
Copyright © 2011 MONICA PUBLISHING CORPORATION
ALL RIGHTS RESERVED

designed & developed by: MIS SECTION