Cyber Prayer

Romance Tonite

Hardliner

Walang Bolahan

Usapang Legal


Ilakip ang inyong pangalan at address sa inyong ipadadalang mga katanungan at mga suhestyon. Maaari kayong magpadala ng liham sa tanggapan ng pahayagang ito sa No. 167 Liberty Bldg., Roberto Oca St., Port Area, Manila o e-mail sa chizescudero2007@yahoo.com o sa pamamagitan ng SMS o text message sa teleponong 0915-2974053.

PUBLIC SERVICE

Paghahati sa minanang ari-arian


Dear Senator Chiz,

May naiwan po kasi ang aming mga magulang ng pag-aaring palaisdaan at bahay at lupa na medyo malaki rin. Dalawa lang sa mga kapatid ko ang nakikinabang. Paano po namin iyon hahatiin?

Sumasainyo,

Rafael Bartolome

122 Willa Rey, Road 2,

Pinagbuhatan, Pasig City

Dear Rafael,

Maraming paraan upang mapaghatian ninyo ang mga ari-arian ng inyong mga magulang, ngunit bago ninyo desisyunan ang paraang ito, mahalagang malaman mo muna ang mga babanggitin kong kahalagahan, upang masigurong pantay ang makukuha ninyong ari-arian, dahil sa naunang nakinabang na ang dalawa ninyong kapatid.

Una, alamin mo muna ang halaga ("fair market value") ng bawat ari-arian na inyong paghahatian. Maaari mong itanong ito sa Assessor’s Office ng lugar kung saan matatagpuan ang ari-arian. Ikalawa, hingin mo sa dalawang kapatid mong nakinabang sa mga ari-arian ang listahan, na may kaakibat na patunay ng lahat ng kinita mula sa palaisdaan at sa bahay, kung kanila man itong ipina-upa. Ikatlo, hingin mo rin sa dalawang ito ang mga resibo ng mga ibinayad nilang buwis at anumang gastusin para sa pangangalaga ng mga ari-arian.

Sa isang banda, kung ang halaga ng kanilang kinita ay higit sa halaga ng ari-arian (o bahagi nito) na napunta sa kanila, maaari mong ibawas ang halaga ng ari-arian mula sa halaga ng kanilang kinita. Ang halagang ito ay maaari mong hingin mula sa dalawa at maaaring paghatian sa pagitan mo at ng mga kapatid mong hindi pa nakinabang sa mga ari-arian.

Sa kabilang banda, karapatan naman ng dalawang kapatid mo na hingin mula sa inyo ang halaga ng mga buwis at gastusin na kanilang ibinayad para sa ari-arian (o bahagi nito) na napunta sa inyo.

Sa proseso ng inyong pag-uusap, maaari ninyong hindi na hingin ang karampatang halaga na kinita ng dalawa ninyong kapatid at maaari ring hindi na hingin ng dalawang ito mula sa inyo ang karampatang halaga ng buwis at gastusing kanilang nabayaran na. Kung sakaling napagkasunduan ninyong lahat ito, mahalagang isama ang desisyong ito sa anumang kasulatang inyong gagawin hinggil sa hatian ng mga ari-arian.

Para sa iyong kapaliwanagan, ang mga ari-arian ay maaari ninyong mapaghatian sa pamamagitan ng mga proseso sa ilalim ng hukuman o sa isang proseso, sa pamamagitan lamang ninyong magkakapatid.

Bago ninyo paghatian ang mga ari-arian na ito, alamin mo muna kung ang mga magulang ninyo ay may iniwang testamento. Kung meron, ang tagapaghawak ng testamentong ito ay may tungkuling ibigay ito sa hukuman o sa sinumang nakapangalang tagapagpatupad ("Executor") ng testamentong ito. Kailangan itong mapatunayan sa hukuman sa ilalim ng tinatawag na probate proceedings. Kapag napatunayan na ito, kailangan ninyong paghatian ang mga ari-arian, ayon sa habilin ng inyong mga magulang sa testamento.

Kung sakaling walang iniwang testamento ang inyong mga magulang, sinuman sa inyong magkakapatid ay maaaring maghain sa hukuman ng isang kasong para sa paghahati ng mga ari-arian ("Action for Partition"). Magkakaroon ng paglilitis upang mapatunayan ng naghain ang kanyang karapatan sa mga ari-arian at upang mailarawan ang mga ari-arian na paghahatian. Kung mapatunayan niya ang mga ito, iuutos ng hukuman na magkasundo ang mga tagapagmana kung paano paghahatian ang mga ito. Kapag naaprubahan ng hukuman ang kasunduan, ito ay itatala sa Registry of Deeds ng lugar kung saan matatagpuan ang mga ari-arian.

Maaari rin kayong gumawa ng dalawang kasulatang tinatawag na "Extrajudicial Settlement of the Estate," isa para sa mga ari-arian ng inyong ama at isa para sa mga ari-arian ng inyong ina. Hindi na ito kinakailangang maaprubahan ng hukuman upang maging mabisa ito, subalit kinakailangan ninyong ipalathala ito sa isang pahayagan.

Sumasaiyo,

Senator Francis "Chiz" Escudero

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top