Cyber Prayer

Romance Tonite

Hardliner

Walang Bolahan

Usapang Legal


 

PUBLIC SERVICE

Kurakutan umaalingasaw


Talaga nga namang umaalingasaw ang mga kalokohan at kurakutan sa ating pamahalaan. Dito na lamang sa National Food Authority (NFA) na palaging kasama sa mga pinakakorap na ahensya ng pamahalaan ay may sumisingaw na namang katarantaduhan.

Imbes na magkaroon ng bidding na siyang itinatadhana ng batas sa procurement ng serbisyo partikular ang hauling services ay minamanipula at pinaiikutan nila ang batas na RA 9184 o ang Government Procurement Reform Act. Noong taong 2006 ay tahasan nilang ipinamalas ang kanilang kalokohan para mapagbigyan ang isang napakalakas na kontratista sa pagbibigay rito ng karapatan sa hauling na higit kaysa sa itinatadhana ng kontrata at ngayong taong ito ay maaaring maulit na naman ang naturang paglapastangan sa ating mga batas.

Mukhang malakas itong Menruz trucking na pag-aari ng isang Emmanuel Mendoza sa mga opisyal na sila Jose Cordero ng NFA-NCR at Basilides Taco na chairman ng bidding committee.

Nanalo sa bidding ang Menruz noong 2006 at binigyan ito ng kontrata ng hauling ng 307,500 metric tons ng mga imported na bigas mula sa North at South Harbour papunta sa mga warehouses sa Metro Manila, Cavite at Rizal provinces pero lumalabas sa mga datos tulad ng summary of pierside and shipside operations ng rice importations ay 534.674 metric tons ang aktwal na hinakot nito na higit na malaki kaysa sa kontrata.

Over delivery ito ng 227,174metric tons at aabot ang trucking fees nito ng P54 milyon. Laking pera nito para sa kontraktor at sa mga kasapakat na tiwaling opisyal sa NFA.

Mismong mga maliliit na empleyado ng NFA ang nagpadala sa amin ng mga materyales dito maging ang reklamo nila sa Malacañang, Ombudsman, Presidential Anti-Graft Commission at maging sa COA.

Ayon naman sa ating impormante ay pinatututukan na ito ng Malacañang at sumulat na ito sa COA, Ombudsman at PAGC para padaliin ang imbestigasyon dito lalo pa at nalalapit na naman ang bagong subasta para sa hauling services sa taong 2008. Gusto nilang maging maayos at transparent ang mga susunod na bidding ng NFA kaya iimbestigahan ang mga nasa likod ng ilang maanomalyang transaksyon.

Blacklisting at banning ang katapat na parusa ng kontratista kung mapapatunayang may anomalya sa hauling service contract bukod pa sa multa at pagkakakulong. Termination naman at kaso rin ang katapat ng mga tiwaling opisyal. Kilangan din nitong ibalik sa pamahalaan ang pagkalugi dahil sa kontratang binahiran ng katiwalian.

Panahon na para tapyasin ang mga korap at tiwali sa pamahalaan. Kawawa naman ang bayan natin kung patuloy ang kanilang pangingibabaw.

Sana ay magkaroon na ng political will ang ating pamahalaan na tuldukan ang mga kalokohan tulad ng nagaganap sa NFA. Kailangang tumimo sa ating isipan na ang government service ay public trust.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top