|
|
OPINION
Kailan lalagay sa tahimik? Hindi lamang Liberal Party (LP) ni Senador Manuel Roxas III at Nacionalista Party (NP) ni Senate President Manny Villar Jr., ang naghahanda sa 2010 presidential election, aba’y noong nakaraang Oktubre 14, araw ng Linggo, isang consultation sa Philippine Racing Club, Makati City ang inilunsad ng PDP-Laban, sa pangunguna ni Mayor Jejomar ‘Jojo’ Binay. Kaya’t kalokohan ang Charter Change (ChaCha) ni Gloria, eh meron namang ‘pambato’ ang kampo ni Senate minority leader Aquilino "Nene" Pimentel Jr., bakit nga naman kailangan pang suportahan ang federal system kung kayang sungkitin ng kanilang partido ang trono? Anuman ang plano ng PDP-Laban sa 2010 election, walang ibang malinaw sa kasalukuyan kundi ang pagpapalakas ng organisasyon sa iba’t ibang lalawigan, katulad ng nangyayaring recruitment sa Visayas at Mindanao kaya’t napaka-busy ngayon si Genuine Opposition (GO) senatorial bet Atty. Koko Pimentel upang rebisahin ang Constitution at by-laws ng partido. Kung sino ang tatayong standard bearer ng PDP-Laban, iyon ang pagkaabangan ng publiko at siguradong magugulantang ang palasyo, maging iba pang presidentiables! *** Ngayong itinatanggi ni Mar Roxas ang pagiging ‘ex-boyfriend’ ni Senadora Maria Ana Consuelo Madrigal-Valade, alyas Jamby, at least panatag ang kalooban ni Korina Sanchez habang nagpoprograma sa Channel 2 at napapanood sa monitor na magkatabi ng upuan ang dalawa sa public hearing o kaya’y nagbubulungan sa loob ng session hall. Take note: kapwa miyembro ng "Solid 8" sina Mar Roxas at Madrigal kaya’t hindi maiwasang mag-usap ng ‘solo flight’ kapag nagpapatawag ng minority caucus si Pimentel. Sa isang pananghalian, kasama ang ilang Senate media, walang katapusang ‘wala at hindi’ ang kasagutan ni Roxas kapag inuungkat ang intrigang nakarelasyon si Doña Consuelo Madrigal. Kontodo-tanggi ang boypren ni Ate Koring kapag itinatanong kung naging ‘ka-on’ ang lady solon sa panahong kapwa nakaupong gabinete ni dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada pero namumula ang mukha. Ang sabi ni Mr. Palengke: "magkakilala at magkaibigan lamang ang kanilang pamilya", as in ‘friends’ lang daw ang kanilang turingan. Pang-showbiz, ‘di ba? *** Napag-usapan ang relasyon, wala pa ring balak si Senador Noynoy Aquino na magpakasal at kinakasangkapan ang ‘seniority’ sa partido bago pasukin ang pag-aasawa. Ang kondisyon ng Big Brother ni Kris Aquino: kailangan maunang magpakasal si Mar Roxas dahil mas matagal sa Liberal Party (LP) at mas nauna itong naupong senador. Huwag nating pag-usapan ang edad dahil makikita naman sa hairdo ng dalawang senador kung sino ang mas matanda sa mga ito. Kung mauuna si Mar Roxas, asahan ng publiko, lalagay lamang sa tahimik ang anak ni Tita Cory pagkatapos ng 2010 presidential election o kaya’y pagsapit ng 2011, as in nakasalalay kina Mar Roxas at Korina Sanchez ang paglagay sa tahimik ni Noynoy. Kaya’t marami pang panahon upang makapag-ipon ng ipangreregalo ang mga kaibigan ni Noynoy. Pero sana, huwag mawala ang tamis ni Sugar, Your Honor, aba’y mahirap mawalan ng karelasyon. *** Kung nagtuturuan sina Mar Roxas at Noynoy kung sino ang maunang mag-aasawa, alam n’yo bang inanunsiyo ni Senadora Juliana Pilar "Pia" Cayetano-Sebastian sa Senate media ang kahandaang tumanggap ng manliligaw, as in tuluyang isinara ang pintuan sa planong ‘makikipagbalikan’ sa ama ng dalawang anak. Hindi lang malinaw kung nag-file ng annulment ang lady solon laban kay Atty. Ariben Sebastian upang legal na maakyat ng ligaw at maharanahan sa kanyang bahay, maliban kung sa Amerika nagpakasal ang mga ito. Kundi nagkakamali ang Spy, umasim ang pagsasama ng mag-asawa, simula nang pumasok sa pulitika ang "Big Sister" ng katukayo ni Joselito Cayetano noong 2004 election. Talagang ganyan ang buhay, maraming sinusuwerte sa pulitika pero pagkasira ng pamilya ang nagiging kabayaran. Kahit itanong n’yo pa kay Judy Aguilar na dismayado sa budget hearing ng Bureau of Internal Revenue (BIR), aba’y tumatangging magbigay ng personal exemption sa unmarried women ang mga opisyal at inirarason ang pag-encourage ng gobyerno sa pagdami ng single mother. Napaka-bias naman yata ng mga kampon ni BIR Commissioner Lilia Hefti! |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|