Editorial

Spy on the Job

Dos Puntos


 

OPINION

Masisibang janitor fish sa Ilog Pasig…


Nakakakilabot ang mga higanteng janitor fish na itinambak ng mga mangingisda sa harap ng opisina ni janitor este DENR Secretary Lito Atienza.

Parang mga potential monsters na nagbabadya ng matinding peligro sa sambayanan lalo pa at kilala ang mga isdang ito sa katakawan at kasibaan.

Ayon sa mga eksperto sa Department of Science and Technology’s Philippine Council for Aquatic and Marine Research and Development declared (DOST-PCAMRD) ang janitor fish na "harmless" sa tao at maging sa ibang isda.

Pero huwag tayong pakakasiguro, maaaring sa ngayon harmless ang mga ito. Sakaling dumating ang panahon na wala na silang makain sa sobrang katakawan... at sa sobrang bilis nilang dumami....tiyak na maghahanap ang mga ito ng ibang makakain. Maaaring mauwi ito sa cannibalism at sa huli pati tao ay puntiryahin.

Bakit kaya biglang napag-usapan ang mga janitor fish sa kainitan ng isyu ng suhulan at katiwalian ng mga masisiba sa gobyerno? Kabado kaya sa "competition" ang mga janitor fish?

***

Mula sa dating pakinabang sa janitor fish nang ito ay nasa aquarium pa lamang, ito ay naging malaking kabuwisitan at perwisyo nang kumalat at maglakihan sa Laguna de bay, Marikina river at iba pang lugar.

Perwisyo talaga kapag sobra ang takaw at walang kabusugan. Hindi lang po iyan sa isda...pati sa tao.

Ang mga walang kabusugan sa gobyerno ay hindi po janitor fish ang tawag. Ang tawag sa kanila eh timawa.

Pero sa ngayon, napakarami na pong good news tungkol sa Hypostomus plecostomus o janitor fish.

Ito ay pwedeng source ng dagdag na raw materials sa animal feeds, pwedeng pagkunan ng biofuel, pwedeng gamiting bag at sapatos ang balat at kasalukuyang pinag-aaralan kung pwedeng gamiting water purifier ang mga buto.

Ang galing, ano po! Mula sa dating perwisyo...magiging benepisyo mula ulo hanggang buntot.

***

Ito pala ang unang dapat na atupagin ni Sec. Lito Atienza sa halip na magsilbing janitor sa paglilinis sa mga kalat at baho ng Malacañang.

Responsibilidad ng DENR secretary na lipulin ang mga janitor fish sa Laguna lake. Hindi niya trabahong protektahan ang mga janitor fish sa Ilog Pasig.

Ang lantaran at harapang suhulan sa loob mismo ng Malacañang ay hindi lamang pagpapakita ng pagiging manhid. Ito ay senyales din ng katakawan at kawalan ng kahihiyan. Ang mga gobernador at kongresista ay gaya rin ng mga janitor fish na inilagay sa aquarium. Sila ay inihalal para pakinabangan ng mga mamamayan.

Kung ang mga halal at itinalagang opisyal ng gobyerno ay magmimistulang mga janitor fish sa katakawan sa pera at kapangyarihan... malaking peligro rin ang ibinabadya nito sa mga mamamayan.

Hindi kaya mauwi rin sila sa cannibalism? Sila-sila ang magkagatan sa sobrang takaw at sobrang dami nila?

Kailangang makaisip din ng pamamaraan kung paano pakikinabangan ang mga mistulang janitor fish sa gobyerno. Pwede kaya silang HOSTILE WITNESS?

Ang sitwasyon ng bansa ay maihahalintulad po sa kalagayan ngayon ng Laguna lake. Polluted ang tubig... puno ng matatakaw at masisiba.

Mas marami na rin kaya ang janitor fish kaysa tilapia sa gobyerno? O tulad na rin ito ng sitwasyon sa Laguna de Bay, 75 percent ay mga matatakaw na janitor fish?

Paalala lang po sa mga sobrang siba diyan... ang sobrang katakawan ay masama sa kalusugan.

At ang janitor fish at iba pang isda sa Laguna de Bay ay masama sa kalusugan dahil sa mataas na mercury content.

gerrybaja@yahoo.com

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top