|
|
EDITORIAL
Susi sa katotohanan
Ang suhulang nangyari ay ipinapalagay na may kaugnayan sa isinampang impeachment laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at iba pang eskandalong kinakasangkutan ng kanyang administrasyon. Kahapon sa pamamagitan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ay naging bokal ang religious sector sa panawagang dapat ituloy ang imbestigasyon sa anila’y imoral na gawain o ang panunuhol. Hinikayat ng Simbahang Katoliko ang iba pang lokal na opisyales na lumutang at gayahin ang ginawa ni Pampanga Governor Ed Panlilio na umaming nakatanggap ng P500,000 matapos dumalo sa ipinatawag na paalmusal ng Malacañang nitong Oktubre 11. Bukod kay Gov. Panlilio, lumantad din si Bulacan Gov. Joselito ‘Jonjon’ Mendoza at nagsabing maging siya ay nakatanggap ng pera na katulad ni Gov. Panlilio hindi alam kung saan galing at para saan ito. Maliban sa dalawang gobernador wala nang iba pang lumutang para umaming tumanggap ng pera matapos dumalo sa pulong sa Palasyo. Ang pananahimik ng iba pang lokal na opisyal na sa aming pananaw ay dahilan kaya’t sumawsaw na rin ang simbahan sa isyu. Na bagama’t purong pulitikal ang isyu, marapat para sa aming makisangkot ang simbahan dahil sila lamang at wala nang iba pang sektor sa ating lipunan ang maaaring makapagpalutang o makakonsensiya sa iba pang opisyal ng gobyerno na nakatanggap ng suhol. Ang paglutang ng iba pang lokal na opisyal ng pamahalaan na sa aming palagay ay makakapagbigay-linaw sa isyu at malay na ito maging susi o daan upang matigil na ang anomalyang nangyayari sa gobyernong ito. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|