Sa gitna ng kinakaharap na panibagong impeachment complaint, humirit ng political ceasefire si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang mga kritiko ngayong darating na Kapaskuhan.
Sa kanyang talumpati sa Calapan, Oriental Mindoro, sinabi nito na sa halip na magbangayan sa pulitika ay mas maganda na magkaisa at magdiwang ang lahat sa nalalapit na Holiday Season.
Aniya, kung magkakaisa ang lahat ay mas magiging positibo ang kabuhayan ng mga Filipino at ng buong bansa.
Bago ang panunuyo ay matatandaang binakbakan muna ni Pangulong Arroyo kamakalawa ang mga nasa likod ng ikaapat na impeachment complaint laban sa kanya kung saan inilarawan niya na “panggulo” ang mga ito sa bansa at umaaksyon ng pa-urong kaysa pasulong para sa bansa.
Samantala, tulad ng mga daga, nagtakbuhan na nang tuluyan ang mga tinaguriang Jose de Venecia Jr., remnants sa Mababang kapulungan ng Kongreso kaugnay sa impeachment case na isinampa ng kanyang anak na si Joey de Venecia.
Sa impormasyong nakalap ng TONITE, iniiwasan na ng mga kaalyado ni De Venecia na kausapin ang dating House Speaker dahil sa takot na pagdudahan ang mga ito ng Malacañang.
“No talk policy ngayon kay JDV,” pagkumpirma ng impormante na hindi na nagpabanggit ng pangalan kapalit ng impormasyong ito.
Ayon naman kay House committee on Justice Chairman Matias Defensor ng Quezon City, malabong maipakulong si Arroyo sa pamamagitan ng impeachment dahil labanan ito ng pulitika.
“Bakit ipapa-impeach eh isang taon na lang naman siya. Bakit hindi na lang nila hintayin na bumaba siya para makasuhan at maipakulong kung talagang malakas ang ebidensya laban sa kanya?” ani Defensor.
|