Pinatunayan lamang ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Pilipinas at sa buong mundo na mahirap pagkatiwalan ang mga binibitiwan nitong salita matapos makuryente ang panibagong kahihiyang inabot sa World Bank (WB).
Bagama’t nasa Geneva, Switzerland, hindi pa rin napigilan si Senate minority floor leader Aquilino “Nene” Pimentel upang kantiyawan si Pangulong Arroyo matapos mapatunayang ‘kuryenteng balita’ ang ipinagkalat nito na pagpapautang ng $10 bilyon ng World Bank.
“Ganu’n ka unreliable si GMA. Kawawa siya. Kawawa ang bayan,” text message ni Pimentel mula Geneva Switzerland kung saan dumadalo ito sa Inter-Parliamentary Union (IPU) summit.
Habang si opposition Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson, pinayuhan si Mrs. Arroyo na sipain ang tauhang nagsubo ng maling detalye lalo pa’t matinding kahihiyan ang inabot nito sa ‘kuryenteng impormasyon’.
Naniniwala si Lacson na umandar na naman ang pagiging adelantada ng Pangulo sa hangaring makakakuha ng ‘pogi points’ sa publiko o media mileage.
“Kung sino man ang nagsubo ng ganitong palpak na information kay GMA ay dapat lang masibak para hindi na makakaperwisyo pa,” ani Lacson.
Kaugnay nito, pinoproblema naman ni Nueva Ecija Rep. Edno Joson ang aniya’y mistulang pagiging manhid na ni Mrs. Arroyo sa ganitong uri ng pagkakasabit at pagkakapahiya sa international community.
“Ang probema, tinatalaban pa ba siya ng hiya? Dapat kung sino ang nagbigay sa kanya ng impormasyon, parusahan, sibakin dahil ipinahiya siya,” pahayag ni Joson.
Magugunitang sa harap ng mga foreign businessmen sinabi ni Arroyo na may contingency fund ang World Bank sa mga bansa sa Asya kasama na ang Pilipinas.
|