“Mabuti pang mamatay ka na lang kesa mapunta ka pa sa iba.”
Ito ang huling katagang binitiwan ng isang construction worker bago paulit-ulit na inundayan ng saksak ang kanyang misis kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Sa kabila ng ginawang pagpatay ni Artemio Montecalvo, 46-anyos, sa kanyang asawang si Tita, 54-anyos, ay labis pa rin ang kanyang pagsisisi at sinabing nagawa lamang niya ang pagpatay dahil sa labis na pagmamahal sa asawa.
“Nagdilim din ang
aking paningin nang hamunin niya ako ng patayan at dahil din sa sobrang kalasingan ko ay paulit-ulit na saksak ang pinakawalan ko sa aking asawa,” salaysay ng suspek.
Ipinaliwanag pa ng suspek na nagsimula ang kanyang pagseselos nang patirahin ng kanyang misis sa kanilang bahay ang pamangkin na si Guillermo. Mula noon umano ay biglang nagbago ang kanyang misis.
Lalo pa umanong naghinala at nagselos sa pamangkin ang suspek nang bilhan ng biktima ng cellphone sa halip na siya ang bilhan ng kanyang asawa.
Sinabi pa ng suspek na halos araw-araw ay wala siya sa kanilang bahay at lagi siyang nadedestino sa malayo bilang isang construction worker at lingguhan lamang siyang umuuwi ng kanilang bahay.
Aniya, minsan din siyang nagalit sa kanyang asawa nang ito’y lasing na dumating sa bahay na nagpapahain ng pagkain ngunit sinagot umano siya ng pabalang ng biktima na sinabing “’di maghanda ka ng pagkain mo” hanggang sa magtalo ang mga ito.
Sinabi ng suspek na hindi naman dating ginagawa sa kanya ng asawa ang ganitong sitwasyon at aniya, malaki na ang pinagbago ng kanyang asawa mula nang pumisan ang kanyang pamangkin sa kanilang bahay.
Gayunpaman, hindi pa naman niya nahuhuli ang kanyang pamangkin at asawa kung ito ay may relasyon, maging sa text ay madalas ding mahuli ang asawa na may ka-text na sa tuwing tutunog ang cellhpone ay lumalayo o pinapatay ng biktima upang hindi umano mabasa ng suspek.
Idinagdag pa ng suspek na nasayang at nabalewala lamang ang 30-taon nilang pagsasama sa isang bubong na nagbunga ng
dalawang anak.
Gayunpaman, wala umanong balak na magsampa ng kasong parricide ang dalawang anak na sina Janet at Nonoy laban sa kanilang ama.
Ngunit ayon naman kay Chief Inspector Glenn Tigson, hepe ng Station Invetsigation Detective Management Section ng Parañaque City Police, na sila ang magiging complainant sa pagsampa ng kasong parricide laban sa suspek.
|